60 na taon na ang reyna ng mga briton na si elizabeth II sa trono. diamond jubilee kung tawagin. kagabi, habang naglilinis ako ng bahay, halos dalawang oras na kinober ng cnn at bbc ang plubyal na parada sa ilog thames ng london. karingalan at karangyaan ang ipinamalas ng pinakamalaking plotilya sa thames sa loob ng 350 taon bilang hudyat ng pagsaludo at pagdiriwang ng jubileo ng reyna. inulan ang parada ngunit di nito natinag ang masayang atmospera sa buong london.
ang reynang si elizabeth II ay tinatayang isa sa pinakamayamang indibidwal sa buong mundo dahil sa samu’t saring ari-arian nito na binubuo ng mga palasyo, koleksyon ng sining, alahas, lupain at pera. sa tagal na rin ng paghahari (o pagrereyna sa panahon ni elizabeth II at ng iba pang mga reynang regnal) ng kanyang pamilysa sa britanya, kayamanang minana pa sa kanunu-nunuan at naimpok bunga ng ilang salinlahi ang napasakanya. ngunit walang binabayarang buwis ang reyna at kanyang pamilya. bagkus, nabubuhay sila mula sa buwis na kinakaltas sa mga mamamayan ng bansa. wala ring anumang kapangyarihan ang reyna sa pagpapatakbo ng pamahalaan. seremonyal ang kanyang papel bilang pinuno ng estado. sa kabila nito, higit 80% ng mga briton ang pabor sa pagpapanatili ng monarkiya sa gran britanya at mga bansang kaalayado nito. sabi nga ni prince charles, di mananatili ang monarkiya kung di ito sinasang-ayunan ng mga tao. ayon naman kay winston churchill, ang monarkiya ay ekstraordinaryo sa kapakinabangan nito. kapag nananalo raw ang britanya sa mga digmaan, sigaw ng britanya ay “god, save the queen!”. ngunit kapag talo, pinapatalsik ang punong ministro ng gobyerno. may kung anong apeksyon at respeto ang mga briton sa kanilang monarka. dala marahil ito ng simbolismo ng reyna bilang isang matimtimang mukha ng buong bansa at buhay na kawing sa mayamang kasaysayan at nakaraan ng kanilang lipi.
sa sayki ng mga pilipino, di maaaring magkaroon ng iisang monarka. masyadong rehiyunal ang nilayan ng mga pinoy na kung may isang naghahari-harian sa isang lugar, kailangan din ng iba na may paghariang ibang teritoryo. tatapata’t tatapatan ninuman ang hari o reynang umaangkin sa isang teritoryo. bukod sa pagiging kapuluan ng bansa, di rin yata likas sa mga pinoy ang pagkakaroon at pagsunod sa iisang pinuno. bunga nito ay ang kawalan natin ng anumang konktretong portipikasyon bago pa dumating ang mga espanyol o malakihang kompleks para sa pagsamba, gaya ng borobodur sa java o angkor wat sa cambodia. sa makabagong panahon, naging bahagi na rin ng nakagawian ng mga nasa pamahalaan na biyakin nang biyakin ang mga lalawigan, bumuo ng mga bagong munisipalidad o barangay o di kaya ay iredistrito ang mga bayan at lungsod. siyempre, ang mga balangkas na ito ay isinasagawa sa pagnanais umano ng higit na mahusay na pamamalakad. ngunit ang totoo ay upang magkaroon ang mga nasa posisyon ng sari-sariling sakop na kalupaan kung saan sila maaaring maghari-harian. ang ehemplo nito ay ang paghiwalay ng isla ng dinagat mula sa surigao del norte o ng dating lalawigan ng shariff kabunsuan na ihinawalay sa maguindanao na pinawalang-bisa ng korte suprema. sangkaterba pa ang mga balakin na ganito sa kongreso – nandiyan ang pagbiyak sa cebu sa apat na lalawigan; pagbuo ng nueva camarines mula sa camarines sur at pagbuo ng ikalimang distrito sa lungsod quezon. magkakaroon kasi ng sariling laang-gugulin ang bawat bagong lalawigan, bayan o barangay. higit nga namang makikinabang ang sinumang nasa posisyon dahil magiging tila queen elizabeth II sila sa “bagong lugar” na ito. bukod sa pampurok na saloobin, di rin napagtibay ng panahon at karanasan ang kolektibong pananaw ng mga pinoy ukol sa mahika ng iisang monarka. di gaya ng sa emperador ng japan, wala sa pananaw ng mga pinoy ang paniniwalang may iisang taong sagisag ng pambansang pagkakaisa.
bagamat wala ngang iisang monarka ang ‘pinas, nagkalat naman ang mga hari-hariang pulitiko’t maiimpluwensyang mga tao sa lipunan ng pilipinas. higit na marami ang nagugutom ngunit marami rin ang pamilyang nabubuhay sa karangyaang dulot ng mala-monarkang pag-angkin ng iisang pamilya sa kapangyarihan sa bawat lalawigan ng bansa. ang pagsasangkalan sa mantsadong demokrasya ang tiim-bagang na pagkopya ng mga pinoy sa dingal ng monarkiya ng britanya. di tulad ng dalangin ng marami sa mahabang buhay ni queen elizabeth II, sana’y maging maikli lamang ang paghahari-harian ng ilan sa mga bayan sa pilipinas. ‘wag naman sanang magdiwang pa ng jubileo ang mga mapanlamang na nasa kapangyarihan.
tulad ng maraming bansa, makikinood na lamang ako sa mariringal na salvo ng pamilyang panghan ng britanya.
No comments:
Post a Comment