Saturday, December 6, 2014

august: osage county


isang masikip at payak na dalawang palapag na bahay lamang ang enggaste o tagpuan ng pagsasa-entablado ng repertory philippines ng august: osage county. wala itong masyadong palamuti. ni walang anumang aksesorya. sa kapayakan nito, madaling di mapansin ang iskeleton nito. ngunit, isa itong piping saksi sa walang patumanggang pagragasa ng mga isyu ng isang pamilya at sa pagitan ng mga kasapi nito. ang bawat seksyon nito ay ang ikatlong karakter na lalo lamang nagpatingkad sa parada ng mga personalidad na sumalo na yata ng lahat ng maaaring maisip na mga suliranin at isyu sa buhay.

sa simula pa lamang, ikinahon na ng kanyang opisina si beverly weston sa kanilang maikling kuwentuhan nila ni johnna monevata na nag-aapply bilang katulong ng pamilya. sa pagpasok ni violet weston, ang kanyang asawa, madarama ang malalim na salungatan sa pagitan ng dalawa. di na nakawala si beverly sa kanyang silid at dagli itong nawala at nagpakamatay. ito ang dahilan kung bakit kinailangan ng buong pamilyang magtipun-tipon. una upang hanapin ang bangkay ng ama ng pamilya at pangalawa, upang ihatid ito sa kanyang huling hantungan.

ang sala ang sentro ng maraming bangayan ng pamilya. saksi ito sa awayan nina violet at barbara, ang panganay na anak nina violet at beverly, pati na rin ng pagtatalo ng lahat pang mga kasapi ng pamilya. dahil sa hindi masyadong maluwag ang sala, pinatitindi ng limitadong espasyo nito ang bawat insulto, pang-aasar, asidikong mga hirit at kabuuang berbal na pananakit ng mga weston sa isa't isa.

sa hapag-kainan madalas nangyayari ang mga masasayang tagpo sa bawat pamilya. pagkain nga kasi ang pinagsasaluhan dito. ngunit hindi sa mga weston. maski ang simpleng tanghalian ay sinahugan pa rin ng bangayan at sa eksena nina violet, barbara at ivy, ang pangalawang anak ng mag-asawang weston, may kasama pa itong basagan ng plato. siyempre ang hapag ding ito ang tagpuan ng isa sa pinakamahusay na eksena ng dula. pagkatapos nilang mailibing ang labi ni beverly, nagsipag-ipon ang pamilya para sa isang tanghalian. nauwi ito sa labu-labong awayan, berbal na rambol na pangkalye at walang wawang sigawan.

mabibilang lamang sa daliri ang mga eksenang may bahid ng pagka-intimo. naging bahagi rin naman ang sala ng pagpapahayag ng damdamin nina ivy at charlie aiken, ang kasintahan ni ivy at pinsang buo. sa silid sa taas, komedi naman ang atake nina violet at mattie fae, ang nakababatang kapatid ni violet, nang asarin nila si ivy sa pagkakaroon nito ng lalaki sa kanyang buhay.

sa pagsambulat ng masidhing damdamin at awayang walang patid, ang atik pala ang magsisilbing tagasara ng malawakang tunggalian ng mga karakter. dapat sana'y pagkakataon na nilang magkaisa pagkatapos ng paglisan ni beverly at mabunyag ang mga lihim. ngunit hindi. isa-isang nagsipag-alisan ang mga kaanak ni violet. nauna nang umalis ang mag-anak nina  mattie fae, charles at little charlie.      lumayas si karen, ang bunsong anak nina violet at beverly, at kanyang kinakasama, pagkatapos magpahaging ni steve sa anak nina barbara at bill na si jean. umalis din agad sina jean at bill. sinundan pa ito ng paglisan ni ivy at pinalmente, ni barbara. naiwan si violet sa piling ni johnna, ang mismong taong ininsulto ni violet sa una pa lamang nilang pagkikita.

napanood ko ang august: osage county nina meryl streep at julia roberts. sabi ko nga, ang tuyot na setting ng pelikula ang ikatlong karakter nito. sa dula naman ng repertory philippines, ang sikip ng espasyo ang dagdag na timpla sa panglaw ng kuwento. sadyang mahuhusay ang lahat ng mga nagsipagganap sa dula. singhaba man ng trapik sa edsa kapag pasko ang kailangang kabisaduhin, walang pumalya at buo ang bawat paggalaw sa entablado base sa hinihingi ng direktor na si chris millado.

walang katulad ang medusang violet na binigyang-buhay ni baby barredo. kahit parang hirap na siya sa pagkilos at pagpanhik-panaog, litaw ang kanyang a-game bilang violet. ang kanyang violet ay natural sa paglamon sa ibang miyembro ng pamilya. dama mo ang magkahalong lungkot at pagkakasala niya dahil batid niyang ang kanyang pagka-aserbiko at kapalaluang itago ito ang dahilan ng kanilang pagkakawatak-watak. suwerte akong napanood ko pa ang isa sa pinakamahuhusay na mga aktres ng entabladong pinoy dahil madalang na siyang lumabas sa mga dula.

baligho ngang matatawag ang atake ng august: osage county. sa prusisyon ng mga problematikong karakter, talakay ng mga seryosong isyu ng adiksyon, depresyon, pagka-praning at pakikiapid, iisipin ng manonood na mayroon din itong maski malabnaw na pagkakataong maresolba. pamilya naman kasi ang pinag-uusapan, di sila iba sa isa't isa kumbaga. pero hindi. pinili ng dulang pagbukod-bukurin ang pamilya. bunga ito ng kawalan ng pagnanais na mag-usap, makipatalamitam sa isa't isa at himay-himayin ang mga isyu bilang isang mag-anak.

bilang isang miyembro ng isang pamilya, mabibigo ang manonood na makadama ng masayang damdamin. ngunit bilang isang manonood ng sining ng entablado, ibayong aliw ang madarama. ni hindi mamamalayan ninuman na tatlo't kalahating oras ang dula dahil sa husay ng mga aktor at pagsasaentablado nito. wala ngang kaparis ang talento ng mga pinoy maging sa dula ng ibang bansa. ngayon, kailangan ko namang makanood ng istoryang sinulat at isinaentablado ng mga pinoy, tungkol sa mga pinoy at ginampanan ng mga pinoy.

No comments: