sa tuwing bisperas na lang ng bagong taon, pare-pareho ang mga gawain ng mga pinoy - mga pinoy sa pinalawig na kapitbahayan namin. una, wala nang inatupag ang mga ito kundi ang maagang magpatugtog ng malakas. 'yung itatapat pa sa kanilang mga bintana ang kani-kanilang mga sound system at todo ang volume. ok lang naman kung malakas ang musika pero patawarin po ako... di ko alam kung bakit tila lahat sila ay may kakatwang hilig sa remix ng iba't ibang kanta. mula sa all of me ni john legend hanggang sa all about that bass at anaconda, puro remix ang bersyong kanilang pinatutugtog. siyempre ilang beses din nila itong pauulit-ulitin, papahingahin lang ang mga remix para magsingit ng shalalala o kaya kung anu-anong pangwowowee na kanta.
maaga rin silang mag-videoke at walang habas na tumira ng mga birit songs. 'yung mas agaw-eksena, mas maganda. 'yung mas maingay, mas gusto nila. 'yung mas nakakabuwisit, 'yun ang trip nila. bagamat wala pang nagpapaputok sa mga oras na ito, siguradong paistaran ang mga kunwaring mapera kapag malapit na ang alas-12 sa pagpapasabog ng kung anu-anong paputok. pataasan kasi ng ihi ang mga ito at tila nakakaamot ng mataas na pagtingin kapag gumastos sa paputok at sindihan ito sa gitna ng kalsada. ang mga pinoy nga naman, makapagyabang lang kalilimutan nang iniutang lang naman nila ang pinambili sa mga ito. mayroon din namang mga maypera talaga pero ito 'yung mga biglang yaman at masidhi ang kagustuhang tingnan ng mga kapitbahay bilang mapera.
siyempre di mo naman puwedeng sawayin ang mga mapaghasik ng lagim tuwing bagong taon. bubulyaw agad ang mga ito na bagong taon naman. at hihirit ng pabalang na "kung ayaw mo ng maingay, sa condominium o sa gitna ka ng bukid tumira". may lisensya nga raw dala ng bagong taon kaya ok na maghasik ng lagim at dumagdag sa noise pollution.
walang anumang kunsiderasyon at paggalang sa espasyo ng iba. pinoy nga naman. manigong bagong taon!
No comments:
Post a Comment