Wednesday, January 28, 2015

blancanieves

tunog ng castanets sa saliw ng musika ng flamenco, krispong mga kuha sa puti't itim at puno ng lumbay na katapusan ang iiiwan ng blancanieves sa manonood. hindi mapag-aalinlangang isa itong tagumpay ng pagpepelikula, magkahalong igaya at makasining na paghabi ng klasikong tema mula sa isang fairy tale. bilang isang silent film, may mangilan-ngilang teksto pero ang mga biswal nito ang tunay na nagdala ng pelikula.

ibang atake sa istorya ni snow white, ang blancanieves ay nakasentro sa seville noong 1920s. simple pa rin naman ito gaya ng sikat na fairy tale – may isang batang babae, ang kanyang ama at ang buktot na madrasta. ang kaibahan nga lamang ay torero ang ama at imbes na humarap sa salamin ang balakyot na kontrabida, bahagi na ng istorya ang makabagong midyum ng mga magasin. inbalido na ang ama ni carmen (o blancanieves) at planado na ang pagpatay sa kanya ni encarna (ang madrasta) ngunit nailigtas siya ng isang pulutong ng mga unanong torero. inalagaan siya ng mga ito hanggang dumating ang kanyang pagkakataong lumabas mismo sa publiko bilang magaling na torera. nagkrus muli ang mga landas ni carmen at encarna nang sumikat si carmen bilang torera. gaya ng sa fairy tale, isang mansanas galing sa buktot na madrasta ang tumapos sa buhay ni blancanieves habang namatay naman si encarna pagkatapos giikin ng toro. ngunit di tulad ng sa fairy tale, di na muling nabuhay si blancanieves. bagkus, ang bangkay nito'y naging espektakulo ng perya kung saan maaaring humalik sa kanyang mga labi ang bawat parukyano kapalit ang bayad. madilim at nakapanlulumong katapusan sa minahal na prinsesang si snow white.
  
iba't ibang tunggalian ang hinaylayt ng blancanieves. may ligayang dulot ng pampamilyang pag-ibig lalo na sa pagitan ni carmen at kanyang ina't lola ngunit may malalim ding lungkot dahil sa pagkamatay ng kanyang ina at pag-abandona ng kanyang ama. nasa isang ispektro ang tuwang dulot ng pagkabata ngunit naroon din ang dalamhati. nariyan din ang lamyos ng kamusmusan at dahas ng mga adulto. galit at tuwa, panaghili at solidaridad, pagkakaibigan at poot, pag-asa at mapait na katotohanan ng buhay… lahat ng ito'y sangkap ng isang mahusay na pelikulang naghain ng ibayong lugod sa manonood.

pablo berger ang direktor nito at sa kanyang paggabay, umani ang pelikula ng sangkaterbang mga parangal. mahuhusay ang mga nagsiganap. ang encarna ni maribel verdu ay buktot dahil sa kanyang masidhing pagmamahal sa kasikatan at salapi ngunit may kakatwang hilig din sa latigo't BDSM. magaling din si angela molina bilang lola ni carmen at gloryoso ang kanyang pagkamatay habang sumasayaw ng flamenco.  maaaring OA sa iba ang emosyon ng mga aktor pero angkop ito sa isang silent film. buhos-buhos ang disenyo ng produksyon at dadalhin ka nito sa espanya noong dekada '20. ang pangatlong karakter ng pelikula ay ang napakahusay na iskor.

alam ng lahat na di naman talaga pambata ang mga fairy tale. di nga pambata ang blancanieves at ang katapusan nito'y nag-iwan ng lumbay sa aking kalamnan. mantakin mong maging kasangkapan si blancanieves sa pagpeperya maging sa kanyang pagkamatay! di inaasahan ang katapusan pero kinumpleto nito ang nakapupukaw na makasining na harutan ng fairy tale, katutubong kuwentong-bayan, panulaang iberia at post-moderno't madilim na habi ng snow white. magaling, magaling, magaling!

No comments: