di
ako nagtiyagang mag-abang sa mga daraanan ni pope francis sa kanyang pagdating.
hindi rin ako nakipagsiksikan sa kanyang pagpunta sa malacañang, manila
cathedral at sm moa noong biyernes. may malawakang pagkokober naman sa lahat ng
kanyang aktibidades sa lahat ng halos ng istasyon. tumutok ako sa telebisyon
lalo na sa kanyang maikling pagbisita sa tacloban city at palo, leyte.
pero
sa huling buong araw ng kanyang pagdalaw dito sa pilipinas, may masidhi akong
damdaming makigulo sa gitna ng aksyon. may anong kati sa aking mga paa na
nagtutulak sa akin na tumungo sa luneta. walang anumang lebel ng hitik ng tao
ang pipigil sa akin upang makita ang papa sa personal at nang malapitan. maski
pa nga bumuhos ang malakas na ulan, pupunta pa rin ako kasama ng milyun-milyong
mga pilipinong may matinding naising makita ang pamosong sinserong ngiti ni
pope francis. kahit na nga isang kaway lamang, ok na sa akin. batid kong suntok
sa buwan ang pagkakataong makapasok sa isa sa mga kwadrant sa harap ng
grandstand.
bitbit
ang tinapay at tubig, umalis ako ng mag-aalas siyete ng umaga. pasado alas-7,
nasa vito cruz – roxas blvd. na ako. sangkaterba na ang mga tao rito. may mga
nakatambay na sa mga center island pero karamihan ay lumalakad sa direksyon ng
luneta. sinundan ko ang bulto ng tao pa-luneta. pagtawid pa lang ng UN avenue,
mabagal na ang usad ng tao. nang makarating ako sa kalaw avenue, wala nang
galawan ang labu-labong lipumpon ng tao. pinigil na kasi ang pila ng mga
pinapapasok sa maria orosa kaya tigil din ang mga nasa likuran. pinili kong
umistambay sa lilim ng puno sa bangketa sa panulukan ng kalaw at roxas blvd. makapal
na rin ang dami ng tao sa area na ‘yun. sa paniniwalang di na gagalaw ang pila
at dahil may wide screen namang natatanaw mula rito, umistambay na ako rito.
marami akong dalang plastic kaya nakiupo na rin ako.
sa
loob ng halos apat na oras na pag-upo’t pagtayo ko rito, ilang beses kong
naisip na gumamit muna ng portalet. pero hindi. pinigil ko ang tawag ng kalikasan,
mawawalan ako ng puwesto kapag umalis ako kahit sandali. wala namang tulakang
nangyari sa lugar na ‘yun pero nagsisimula nang uminit ang aksyon dahil sa mga
taong nais makiraan. deadend na nga kasi ang lugar na ito kaya lahat ng taong
di na makakakaliwa sa kalaw avenue ay babalik lamang sa roxas blvd. kung saan
silang lahat galing. ang tanging pang-u turn na di kailangang sumalubong sa
bulto ng tao ay ang lugar kung nasaan kami nakaupo, ilang dipa lamang ang
pagitan nito sa mga portalet. umistambay na kami rito at ang iba ay alas-3 pa
raw sa area na ito kaya naman nagsipag-upuan na kami. ayaw na magpadaan ng mga
nandito dahil natatapakan ang aming mga upuan at ang iba’y di naman umaalis
‘pag pinadaan. galit na ang maraming tao, may saglit-saglit na sagutan. pero
susundan naman ito ng tawanan… pinoy nga naman.
bago
mag-alas 12, di ko na talaga kinaya. pumunta na ako sa portalet at may mahabang
pila. paglabas ko, tinakpan na ang wide screen at lalo pang kumapal ang tao. sabi
ko, malabo na talaga ito. di na talaga makakapasok at ni hindi namin makikita
ang misa mula rito. lumakad na ako palayo ng kalaw avenue. paglagpas ng UN
avenue, umupo ulit ako. kumain. pasado alas-12 na rin kasi. lakad-lakad ulit at
bago dumating sa tapat ng malate fountain, nakasumpong ako ng bakante sa center
island. akyat at tambay ulit.
sa
center island na ito na ako pumuwesto. habang tumatagal, dumarami ang mga tao
sa pagitan ng barrier at ng flower box. dadaan kasi si pope dito mula apostolic
nunciature patungong quirino grandstand. magmula 12:30 hanggang halos alas-3 ng
hapon, di na ako umalis dito. kahit lumakas pa ang ulan at nararamdaman ko nang
nababasa na rin ang jacket ko sa loob. sangkatutak ang mga nagnanais na
sumingit pero napagkasunduan na naming lahat na wala nang palulusutin. may isa
pang buwisit na babaing nakisingit, kesyo regional director daw. may gana pang
magalit eh siya na lang itong nakikisingit. pinoy nga naman. may mga biglang
sumulpot na pulutong ng mga tao sa kabilang bangketa ng roxas blvd kahit na nga
bawal ang mga tao sa lugar na ito. hiyawan ang mga tao sa banda namin para
paalisin ang mga ito. umalis lamang ang mga ito nang itaboy sila ng pinaghalong
puwersa ng mga sundalo’t pulis.
di
gaya ng ibang motorcade ni pope francis, walang maraming hagad sa harap nito.
kaya nabigla na lamang ang mga tao na pope mobile na pala ang papalapit. halos
alas-3 na ito at malakas na ang buhos ng ulan. sigawan ang mga tao at walang
sabi-sabi’y nakita ko na ang pope mobile, nakakapoteng dilaw si pope. sa di
maipaliwanag na pagkakataon, di ko napindot ang camera sa sandaling nasa harap
ko na ang papa… para bang nag-freeze ako. may malaki siyang ngiti at kumaway ng
kanyang pope francis wave. mabilis ang takbo ng pope mobile at paglayo niya ng
ilang dipa, tsaka lamang ako nakakauha ng picture. nakatalikod na si pope pero
ok lang. ang mahalaga ay nakita ko siya.
umalis
na rin ako agad at lumakad patungong banda ng aristocrat. may wide screen dito
at dito ako nanood ng misa. pero sadyang malakas ang ulan at labu-labo ang mga
tao. naisip ko tuloy ang sabi ng mag-ama at ng mag-asawang katabi ko kanina sa
center island… ok na raw na nakita na nila si pope, uuwi na sila pagkatapos
nito at sa tv na makikimisa. dahil dito, nagdesisyon na rin akong umuwi.
nilakad ko na ulit ang kahabaan ng roxas blvd. may tambak ng mga tao sa banda
ng bangko sentral at di talaga umuusad ang mga ito. sa isang iskinita ako
dumaan, kumanan at sa likod ng BSP dumaan hanggang makarating sa quirino
avenue. alam kong malayo pang lakaran papunta sa lrt taft mula rito kaya
sinundan ko na lang ang mga taong nakidaan sa ospital ng maynila para
makarating ulit sa roxas blvd. mula rito, tuloy-tuloy na lakad sa sunaw
hanggang sa makarating sa buendia. salamat naman, may taxi agad. sumakay ako’t
nakarating sa bahay at pagbukas ng tv, homiliya na ni pope.
kahit
na nga napakaikli ng aking engkwentro, buo na ang aking pope francis eskapeyd. bawi
na ang 9 na oras na paglalakad, pagtayo, paghihintay at pag-antabay kung makapapasok
pa kami sa luneta. maginaw lalo na noong hapon at basa na ang aking damit
hanggang dibdib. ngawit na ang aking mga pa at tila ba ngalay na rin aking mga
daliri dahil sa lamig at ulan. pagdating ko sa bahay, paltos ang inabot ng
aking mga paa pero wala ang mga ito. may malaking ngiti sa aking mga labi at
may matinding galak ang aking puso. salamat po.
isang
iglap lamang ang aking tagpo kay pope francis. ni hindi yata ito inabot ng 5 segundo.
pero ang tila aparisyong imahe nito ay di ko malilimutan. malinaw itong
nakatanim sa aking diwa. tunay ngang iba ang kanyang lapit at madarama mong may
kabanalan sa kanyang gawi. ang pamosong ngiti ay tunay ngang dalisay… taos-puso
ito kahit na nga di pa siya nagsasalita. tapat at madarama mong nais niyang
makihalubilo ngunit di ito posible dala ng panahon at kapal ng bolyum ng tao.
higit
sa anupaman, ang biyayang madalaw ng santo papa ang aking ipinagdiriwang. bihira
ang ganitong mga pagkakataon. bumibiyahe pa nga ang marami patungong roma para
lang masulyapan ang papa. ang marinig mula sa maraming pinoy na napukaw sila ng
papa na magmalasakit sa kapwa ang pinakasaysay ng pagdalaw ni pope francis.
binigyang-sigla ni pope francis ang personal na pakikipag-ugnayan ng mga
indibidwal sa panginoon, maging ng mga di gaanong relihiyosong tulad ko. ang
kanyang mensaheng lahat tayo ay anak ng diyos ay patunay ng kanyang misyong
yakapin lahat ng tao, maging ang mga hindi katoliko. ang kanyang panlahatan at
walang diskriminasyong pagmimisyon ay kahanga-hanga. dama mo rin ang kanyang
kababaang-loob sa mga katagang, “please do not forget to pray for me as well.” kahit
na nga siya na ang itinuturing na vicar of christ sa lupa, di siya nangingiming
sabihin na maski siya’s nangangailangan ng ating dasal upang magampanan ang
kanyang papel bilang lider ng 1.2 bilyong katoliko sa mundo. higit sa lahat,
binigyang pag-asa ni pope francis ang mga taong muling bumangon sa mga
pagkadapa, tipuning muli ang piraso ng sarili, pagtagumpayan ang mga pagsubok
at magsimulang umabante. “jesus never lets us down”, sa kanyang mga salita.
“filipinos
have a profound dignity”, sabi ni pope francis tungkol sa mga pinoy. sa
maikling panahon, sana’y nadama rin ng papa ang pinoy effect… ang mainit na
pagsalubong, pagtanggap at pag-aabang sa kanya pati na ang dagundong ng musika.
nabuklod muli ang sangkapilipinuhan dahil sa inyong pagdalaw.
salamat
sa 5 araw na paglagi sa pilipinas, lolo kiko. balik po kayo ulit. viva il papa!
No comments:
Post a Comment