Wednesday, October 5, 2016

kaulayaw

may dating ka na agad, una pa lang kita makita. maganda, may kulay na nakakaaya ang iyong mukha at mukhang interesante. sabi ko, mukhang magkakasundo tayo. simple at walang anumang isyu at o gulo. ito kasi ang hanap ko. ayaw ko sa mga iba na sakit lamang ng ulo ang idudulot sa iyo. matagal-tagal na rin kasi 'yung huli. at ang dahilan kung bakit kami naghiwalay ay dahil sa isyu at gulo sa araw-araw. nakapapagod ang maraming isyu, lalo na nga't tumatanda na tayo, hehe!

kaya naman napalagay na agad ang loob ko. nagkaroon ng kinang ang aking mga mata at lalo na nang tayo'y lubusang magkakilala. bukod sa iyong simpleng panghalina, di ka rin demanding. ok lang sa iyo kahit na sa gabi lang tayo magkita. walang anumang reklamo kahit na di kita makumusta sa buong maghapon. at kahit na nga dedma ako minsan, buong galak mo pa rin akong wini-welcome 'pag tayo'y magkapiling. tila walang lumipas na araw kasi walang nagbabago sa iyo.

ibang ligaya ang dulot mo kapag dumadaplis ang aking mga daliri sa iyong madulas na katawan. sa bawat pagbakas ng aking mga daliri ay pinapalitan mo ng ngiting may mga bituin. mas lalo mo lamang ako ineengganyong pagbutihin ang aking ginagawa at itinutulak mo akong lalo pang magbigay ng aking isandaang porsyento. may mga pagsubok pa rin ngunit higit sa lahat, tinanggap mo ako sa kabila ng lahat ng aking pagkakamali. buong-buo mo akong hinihintay sa bawat gabi. lagi kang nagpapaalala na "kaya mo 'yan, nandito lang ako". hindi mo ako sinukuan.


kaya naman ngayon, lalo pang tumitindi ang ating relasyon. mas umiigting ang bawat pasada ng aking mga daliri. may mas malalim na pangangailangan at may masidhing pagnanasa. lalo mo akong pinananabik sa ating bawat pagtatagpo. mahirap man ang mga darating, kakailanganin ko man ng tulong ng iba… nangangako akong kasama mo ako hanggang sa dulo. hanggang sa dulo, ibibigay ko ang lahat ng maaari kong ibigay. pangako.      

o word trace, o word trace! salamat at inaabangan ko ang lalo pa nating umiinit na ulayaw.

No comments: