Sunday, October 9, 2016

ngitngit

bakit ba kasi masyadong matindi ang galit ng isang ito sa mundo? ano na naman kayang mabagsik na asido ang naisaboy nito sa sarili at ganito na naman ang pagnanaknak? paanong sa isang iglap ay biglang nanumbalik ang pait at lumukob na muli sa kanyang kabuuan?

nais na lamang isipin ng marami na may ipinagdaramdam itong matinding sakit ng katawan. 'yung matinding sakit ng ulo o ngiping talaga namang mamumura mo kung sinumang kumausap sa iyo. ito ay upang maunawaan ang walang kaabug-abog na pagbabago. di kasi maubos maisip ng marami, bakit ba puno ng ngitngit ang kanyang puso?


dahil ba sa kanyang mga "idolo" na mga multo ng kahapon? dahil ba sa kawalan ng kaututang-dila sa buong maghapon? o dahil ba sa ibang mga rason? anu't anuman… di mababatid kung ano mga makatwirang rason mayroon siya. masuwerte kasi ito. kaya kung tutuusin, wala itong anupamang dapat ikapait sa buhay.

o dahil sa walang ikapapait sa buhay kaya sadya itong gumagawa ng mga isyu upang may mapaglibangan? sabagay, sabi nga ng matatanda, ang isip at katawang masyadong komportable ay dagling dadawagin ng halina ng kabalintunaan. ang di gaanong pagal na katawan bunga ng kawalan ng mabibigat na trabaho sa araw-araw ay sasaputan ng poot. ang di pag-iisip sa kung anong kakainin sa araw-araw ay magtutulak sa maykatawang mag-isip ng kung anu-ano… maging ng mga bagay na walang kapararakan.

nawa'y masumpungan mo ang tamang ihip ng hangin. nawa'y manatili ito sa iyo sa mahabang panahon. sana'y mawala ang anumang dawag at sapot sa iyong puso't isipan nang maging maliwanag ang mga bagay-bagay sa iyong perspektibo.

di pa naman huli ang lahat. sana'y mahanap mong muli ang iyong sarili.

No comments: