Tuesday, October 4, 2016

tokhang

sa digmaang pandaigdig ni duterte sa droga, sang-ayon ako. pero ang sabi ko nga, ito ay dapat gawin sa tamang paraan. dapat itong pag-isipang mabuti, pagplanuhan at isaayos ang proseso. hindi maaaring puro satsat at harabas na paraan dahil buhay din ng mga inosente ang nakataya rito. sa huli, isang komprehensibong programa lamang - mula sa edukasyon, kapulisan, kabuhayan at sosyal na mga aspeto - ang magpapatigil sa pagkalat ng droga sa bansa. hindi kailanman mabubusalan ng kaliwa't kanang pagpatay ang droga. sadyang hindi ito sapat o anumang pananakot o pamamahiya. malaliman ang suliranin at ang bara-barang paraan ay di ang tunay na pagtugon dito. lalo na nga't marami ang nadadamay o nadadawit lamang nang walang anumang totoong pruweba.



ang lalong nakababahala rito, naglipana ang mga indibidwal na may maitim ding budhi na nakikisakay at kinakasangkapan ang oplan tokhang upang maghiganti. ito ang mga taong upang mapangalagaan ang kanilang sariling pagkasangkot sa droga ay mismong nagpapatumba sa ibang kasangkot. kasama rin dito ang mas malalaking pangalang sa kanilang hangaring 'wag mabahiran ay kadaka-dakang magpapapatay ng mga tauhan. at higit sa lahat, mayroon ding mga taong masahol pa sa daga na sisira sa imahe at pagkatao ninuman para lamang may mapatunayang isteytment at manira ng kapwa. ito ang mga taong sa kanilang naising mamahiya at magdanak ng kabulastugan at kawalan ng harmoniya sa buhay ay sisige na basta na lamang magbintang, maglista at magsumbong sa otoridad. anonimo nga naman kasi, di kailangang ibigay ang pangalan ng nag-tip, isusulat lang daw at iiwan sa barangay. madaling maging kasangkapan ito kapag nais mong manira ng buhay ng iba. kahit na nga hindi totoo ang mga ito, ang tagumpay sa mga taong maitim ang budhi na basta na lamang magsusumbong sa tokhang ay ang makitang nagdurusa ang taong kinaiinisan. ang malamang maaaring madakip, mapahirapan, makulong o mamatay ang mga ito kahit walang kasalanan ang tanging tagumpay para sa mga buhong na ito.  

patawarin po ako pero sana'y maagang dalawin ng karma ang mga mapagbintang na ito. ang mga taong katulad nito nawa'y lumagapak nang walang wawa… 'yung paglagapak na mauuntog ang kanilang mga ulo at baka sakaling magising sa katotohanan… kundi rin lang naman tuluyan nang mabagok. sana'y sa pagdalaw ng karma ay tatlong balik ang kamalasang idulot sa kanilang mga buhay. sana'y sa isang araw ng kanilang paggising ay wala na ang anumang minamahalaga sa kanilang saganang buhay. anumang pinsala ang nais nilang idulot sa kapwang walang kasalanan ay manumbalik sa kanila at kanilang pagdusahan ito sa anumang porma o paraan.

maigi kung may tuwirang layon at bawat pahimakas ay may bigat at pruweba. ngunit kung nais lamang sumira at maghati-hati ng anumang ugnayan, at sa pamamagitan ng tokhang ay may nais lamang ibulid na mga kapwa sa kapahamakan, higit na maiging mailigpit din ang mga mambibintang tulad ng mga nasawata na sa operasyong ito. tulad ng droga, ang mga taong may maitim na balak sa kapwa kahit walang ginagawang masama sa kanila ang mga ito, ay dapat ding kalusin dahil wala rin naman itong silbi sa lipunan. kahit na nga kung anu-anong borloloy ang ilagay sa katawan o anumang paraan ng pagpapabalat-bunga, kapag ang nais mo lamang ay sumira ng buhay at maghiganti o ni may nais ka lang patunayan, di ka rin naiiba sa mga nagtitinda ng droga.

dahil sa ehemplo ni duterte, lahat na yata ng tao ngayon ay may ngitngit. namumutakti ang pilipinas sa mga taong benggansa ang habol at ang tanging layon ay sumawata sa pag-uugnayan at pagkakasundo. paano naman ang mga inosenteng idinadamay lamang ng mga buhong? o ang mga walang kasalanang nais lamang pabagsakin ng mga nagbabanal-banalang nilalang?

sana'y may kumaTOK din sa inyong mga pintuan ngunit 'wag na kayong pa-HANGyuan.

No comments: