Sunday, August 12, 2012

laptop

ang laptop ay isa sa maraming kagila-gilalas na imbensyon ng modernong panahon. dahil sa mga ito, posible na ang walang hadlang na pagtatrabaho sa malalayong lugar at isa ito sa pinakamahahalagang salik sa likod ng pagyabong ng makabagong midyum na internet. sa madaling salita, kasangkapan ang laptop sa mobilidad. sa mga lugar ng paggawa, rikisito na ang pagbili ng mga laptop upang ipamahagi sa mga kawani para sa iba’t ibang mga prosesong pangnegosyo. bukod sa mas matipid ito sa elektrisidad, puwede nang mag-uwi ng trabaho ang mga kawani sa mga sandaling lagpas-leeg ang trabaho o di kaya’y may biyaheng bahagi ng trabaho.

ok naman ang iuwi kasi nga ay dinisenyo naman ang laptop sa paroo’t paritong aktibidades at higit na episensya sa pagtatrabaho. ngunit sadyang kalabisan ang ipilit na iuwi ng lahat ng kawani ang mga laptop sa panahong masungit ang panahon, gaya nitong mga nakaraang araw sa kamaynilaan. halos gabi-gabi, walang patid ang pag-ulan kahit na nga walang bagyo. nitong ika-6 hanggang ika-9 ng agosto, binaha ang kamaynilaan bunga ng malakas na ulang dulot ng habagat. pinalala nito ang matagal nang masalimuot na pagbiyahe papunta sa trabaho at pauwi mula rito noong gabi ng lunes habang marami ang di nakapasok noong martes hanggang huwebes. kung ganito kalala ang sama ng panahon at makikipagsiksikan ka pa sa mrt, pipila para sa dyip, maghihintay ng matagal para sa bus at lalakad pa ng ilang dipa, bibitbitin mo pa ba ang laptop mo? wala pa rito ang banta ng mga holdaper at isnatser na maaaring maglagay sa iyong buhay sa alanganin sakaling may masamang loob na mag-interes sa iyong bitbit na laptop. malamang kaysa hindi, iiwan ng bawat empleyado ang mga ganitong kagamitan dahil dagdag pa ito sa iisipin mo gayong ang ligtas na makauwi sa tahanan ang dapat na tanging puntirya ng lahat sa mga ganitong panahon.

bakit di n’yo muna kayang subukan kung gaano lalong kahirap ang komyut sa pilipinas kapag masama ang panahon bago magpalipad-hangin na dapat bitbitin ng bawat kawani ang kani-kanilang mga laptop sa araw-araw? ang buhay kawani sa ‘pinas ay di gaya ng sa kuala lumpur kung saan halos lahat ay nagmamaneho o sa singapore na may maayos na sistema ng transportasyon. maging sa mga lungsod ngang ito, di rin tiyak na walang mangyayari sa kalsada dahil dokumentado na rin ang insidenteng agawan ng laptop sa kl at singapore sa ilang mga taga-aydisi. di naman lahat ng tao ay nag-uuwi ng kani-kanilang mga laptop, liban na nga lang kung may nakabinbing trabaho o may inaasahang matagalang di pagpasok sa opisina pero magatatrabaho pa rin. di rin naman nagkulang ang mga empleyadong ipaalam ang mga pangyayari kung ang nais lang gamitin ang laptop para sa komunikasyon. sa mga nag-uwi ng laptop, puwedeng wala ring kuryente sa kanilang lugar o di kaya'y mahina ang signal ng internet kaya wala rin itong kuwenta.

kung nais na ipilit ang ideyang ito, dapat ay maglaan ng sustentong para lang sa paroo’t parito ng bawat kawani upang iuwi ang kani-kanilang mga laptop. pera itong maaaring gugulin ng bawat isa upang pangalagaan ang gamit ng kumpanya at ipagsanggalang na rin ang buhay ng may bitbit. sigurado wala namang badyet sa mga ganito kaya wala rin naman ito. anu’t anuman, dapat tandaan ng mga matatatanda na responsable ang mga kawani. batid ng bawat isa ang kanya-kanyang tungkulin at di ibig sabihin ng pag-iiwan ng laptop sa opisina ay pagwawalang-bahala sa mga trabaho. matindi lang talaga ang buhos ng ulan na wala namang may gusto at di inaasahang maging ganoon kalala ang pagbabaha.

‘wag na panghimasukan ang mga isyung di naman tunay na batid.

Saturday, August 11, 2012

iglesia

maganda rin pala talaga sa loob ng simbahan ng iglesia ni cristo. nakapasok na ako sa simbahan nila, pero matagal na 'yun. ngayon lang uli, nang kinasal sina chukie at derik. (",)

Thursday, August 9, 2012

Papa

happy birthday ulit, pa! (",)

lusong

halos apat na taon na ako sa san antonio village. dumaan si ondoy, makailang mga bagyo, maski pa ang malakas na buhos ng habagat pero di ko pa naranasang lumusong sa baha para lang makauwi sa aking yunit. hanggang nitong gabi ng lunes (agosto 6). perstaym kumbaga. unang pagkakataong kinailangan kong lumusong sa tubig-baha. wala raw bagyo pero grabe ang buhos ng ulan dahil sa habagat na hinihila't pinalalakas ng bagyong haikui sa bandang china.

galing ako sa trinoma para sa ika-63 bertdey ni papa. pahirapan ang pag-uwi namin nila ate joy dahil sa lakas ng ulan. buti na lang at nakasakay agad kami ng taxi sa ilalim ng mrt station. bumaba ako sa kanto ng boni at edsa pero wala namang taxi ang nagsakay sa akin pa-makati. inasahan ko na ang baha sa san antonio kaya nag-bus na lang ako. paglagpas ng pasong tamo, may mga sasakyan nang sumasalubong at bumabalik dahil malalim na ang tubig sa mayapis kaya bumaba na rin ako sa caltex. walang taxi na pumayag pumasok sa san antonio habang ang nag-iisang traysikel naman ay nananamantala't naniningil ng 150 para lang ihatid ako sa banuyo. jeep ang kinabagsakan ko. malalim din ang baha sa kanto ng pasong tamo at malugay pero sa babaan sa estrella, walang baha. di rin binaha ang kanto ng st. paul at estrella kaya buong akala ko ay may mga traysikel na bumibiyahe. pero wala. walang pumapasada kaya walang pagpipilian kundi lumakad. sa banda na ng tanguile, matindi na ang baha. hinubad ko na ang sapatos at medyas ko at nagsimulang maglunoy sa baha sa kanto ng estrella at sampaloc. abot hanggang tuhod ang baha at kahit na nga sa bangketa, lagpas pa rin ng bukungbukong ang baha. lumakad ako sa baha na mataas pa rin kahit sa santol at banuyo. mabuti na nga lang at may nakasabay akong pauwi sa banuyo, maski paano'y nabawasan ang magkahalong inis, pagod at awa sa sarili. kahit na nga medyo malinaw ang tubig-baha at walang halong putik o masyadong maraming basura, hugas agad ng paa at mabilisang ligo pagdating sa bahay. mahirap magkaroon ng sakit na dulot ng baha. 

iba na nga ang panahon ngayon. pagrabe nang pagrabe ang ulan at ang dala nitong tubig. kahit walang bagyo, mataas ang tsansang umulan ng matindi na tiyak na maglulubog sa kamaynilaan. maging ang mga lugar na di naman binabaha dati, lulubog na rin sa bagsik ng habagat.

kailangan ngang laging maging handa at alisto sa mga pangyayari sa kapaligiran. ang pag-iimpok ng mga pagkain, tubig at mga gamit tulad ng kandila ay kritikal din sa mga panahong tulad nito. siyempre, dapat ding may load ang cellphone upang sa panahon ng biglaang pangangailangan ay may pangkomunikasyon.

Sunday, August 5, 2012

bente

dumalawampu na nga po. ewan ko ba kung bakit may countdown kasi. pero siguro tanda ito na lumilipas nga ang panahon at may mga sandaling nagiging muhon ng mga milyahe sa buhay ng isang tao.

di pa natatagalan nang magkaroon ng mga tentatibong hakbang tungo sa muhong ito. di sigurado, nagbabaka-sakali nga lang. hanggang sa medyo naging sanay na at nakaipon na ng lakas ng loob at kapal ng apog na sumuong at sumubok.

paisa-isa muna. subuk-subok hanggang sa humaba na nga ang listahan sa excel. ayun. hanggang bente na nga.

mukhang darami pa. magandang balita?





Wednesday, August 1, 2012

ang nawawala

indie nga ba talaga ito? ‘yun ang tanong ko sa kalagitnaan ng pelikulang ito. madalas kaysa hindi ‘pag sinabi kasing indie, tiyak na tungkol sa kahirapan, sukal ng kamaynilaan, kabaklaan, kurapsyon at kahirapan ulit. pero iba ang nawawala. wala ritong habulan sa masisikip na iskinita. walang kuha ng nanlilimahid na maynila o anumang durukhaan. walang malikot na mga kuwadra sa kamera.
 
sampung taon si gibson (dominic roco) sa ibang bansa at umuwi para sa kapaskuhan. hindi pipi’t bingi, pero di pa rin nagsasalita si gibson mula nang masaksihan ang pagkamatay ng kanyang kakambal. ganoon pa rin ang kanyang pamilya: punong-abala pa rin ang panganay na si corey, mahigpit pa rin ang kanyang mommy (dawn zulueta) lalo na sa kanilang bunsong si promise (sabrina man) at larawan pa rin ng pekeng kapanatagan ang kanyang daddy (buboy garovillo). entra ang kaibigang si teddy (alchris galura) na naging daan upang makilala ni gibson si enid (annicka dolonius). may instant na atraksyon sa pagitan ng dalawa na pinaigting pa ng koneksyon nila sa musika. naging malapit sina gibson at enid na naging hingahan ng sama ng loob ni gibson, kasama sa gimik, at di kalaunan ay kaseksitaym. metaporo naman ang paggamit sa yumaong kakambal ni gibson na si jamie at ang kanilang mga pag-uusap upang ilarawan ang pag-iisip at pagtingin ng bida sa mga bagay-bagay.

mahirap ma-imagine ang reaksyon ni gibson na di magsalita magmula ng karanasan na ‘yun. sa kalakaran sa pilipinas, maaaring isipin ng marami na nag-aadik-adik ito o sadya lang na may saltik sa utak. bukod dito, likas na madaldal ang mga pinoy at relasyunal ang tendensya. pero dahil pelikula ito, papayag na rin ang manonood lalo na kapag naunawaang ang di pagsasalita ni gibson ay metaporo ng kapangyarihan ng musikang itawid ang mga damdamin at emosyon lalo na’t marami ring sigalot ang nabubuo dahil sa pasalitang komunikasyon. sa prosesong ito, naging mainam na kasangkapan ang musika upang tanggapin at pagwagian ang pait ng nakaraan. halatang mahilig sa musika ang maygawa ng pelikula at may masidhing damdamin para sa orihinal na musikang pinoy. matalino ang pagpili sa mga awitin, maging bago man ito luma o di kaya’y mabilis o kundiman. bagamat bakgrawnd lamang dapat ang mga awitin, tila naging haylayt ang mga ito upang paigtingin ang tunggalian ng mga emosyon ng mga karakter. bagamat di pamilyar ang ibang mga kanta, aabangan mo kung anong genre ang susunod na aalingawngaw sa mga susunod na eksena. samu’t saring musika at melodiya ang sangkap ng pelikula upang ilarawan ang hugnayan ng papausbong na pag-ibig at anumang kumplikasyong dala nito.

tumpak ang paglunan sa mga modernong dibersyon ng mga kabataang maykaya sa ngayon tulad ng mga kapihan, mga inuman o bar na nagtatampok sa mga bandang indie (tulad ng saguijo sa san antonio, makati), mga spa na puwedeng tulugan at mga convenience store kung saan naglulustay ng oras ang marami. cool ang tulin ng pelikula, walang pagmamadali sa pagbabalat ng mga suson at di rin naman kabagut-bagot. sakto rin ang mga kuha’t sinematograpiya at hindi malikot ang kamera. swak ang pagpili at kapani-paniwala’t mahuhusay ang mga nagsiganap sa pelikula, lalo na si dominic at felix roco, ang luminus na si dawn zulueta at ang baguhang si annicka dolonius. bagamat nakipag-sex si enid kay gibson, walang halo ng pekeng moralidad ang talakay dito. sinasabi lamang na di dapat ikahiya o itatwa ng kababaihan ang kanilang sekswalidad, lalo na’t kung naiintindihan nila ang maaaring maging bunga nito at responsable itong harapin.

nakapaninibago ang pelikula ni marie jamora sa daluyong ng mga pelikulang indie na nasadlak na sa tinaguriang “mapait na reyalismo ng buhay sa pilipinas”. puro kahirapan ang tema ng karamihan ng mga indie, kaya naman kalugud-lugod ang nawawala. pinakita nito kung paanong maaaring maging malapit ang indie sa meynstrim. ginalugad nito ang eternal na tema ng pag-ibig at pagpapalaya sa minamahal, pati na ang hindi perpektong buhay ng isang pamilyang nakaririwasa at kung paanong ang pagkawala ng isang minamahal ay nagpapabago ng takbo ng buhay ng mga naiwan. ang mga suliraning bunga ng kawalan ng epektibong komunikasyon sa loob ng tahanan ay di masasawata sa pamamagitan ng pagtakbo mula sa mga ito. coming of age ang sentral na tema pero wala ritong palabok ng pilit na pagkakamit ng kahustuhan ng pag-iisip o di kaya’y kapusukan ng kabataan. iginuhit ng ang nawawala ang pagkakamit ng katubusan mula sa nawalang mga taon dahil sa mapait na karanasan. sa huli, walang mga pasabog na kinailangan sa coming of age ni gibson kundi ang magsalita lamang… una ay kay enid, tapos sa kanyang mga kapatid at huli ay sa kanyang ina. simple, may kakaibang halina, may bigat ngunit di mabigat, di nasayang ang 150 ko sa unang produkto ni jamora.

Sunday, July 29, 2012

bwakaw

dramedi tungkol sa pagtanda, ang bwakaw ay istorya ni rene, isang matandang bakla. masungit at walang maliw ang ngitngit, palaging kasama ni rene ang kanyang alagang aso na si bwakaw. komedi ang hatid ng mga pag-aangil ni rene (eddie garcia) sa lahat halos na kaibigan, kapitbahay at mga kasama sa trabaho. dahil retirado na mula sa pagtatrabaho sa pahatiran ng sulat at tila wala nang natirang kamag-anakan, niligpit na ni rene ang lahat ng gamit sa kanyang bahay. may marka na ang mga kahong ito batay sa kanyang huling testamento na halos araw-araw ay binabago upang ibigay sa kura paroko ng kanilang bayan, ang kanyang pinagkatiwalaan upang magpatupad ng nilalaman ng kanyang huling habiln. ang ngitngit ni rene sa buhay ay kanyang paraan upang sawatain ang lungkot ng kanyang pagtanda at para bang paghihintay na lamang sa katapusan ng kanyang buhay. dahil dito, bumili na rin siya ng ataul na dahil sa pagsasara ng punerarya sa kanilang bayan ay kinailangan na ring ideposito sa kanyang bahay.

marami pang sanga-sangang mga istorya ang tinalakay ngunit ang lahat ng ito ay mahusay na uminog bilang bahagi ng sentral na karakter ni rene. mula sa kanyang tila pakialamerang kapitbahay na ginampanan ni beverly salviejo, natalakay ang pagkakaroon ni rene ng santo entierro, isang mapaghimalang poong nazareno na sa paniniwala ng karakter ni salviejo ay nagpagaling sa kanyang apo. bagamat masayahin at mandadarayuhan pa sa canada, nauna pa si minda (luz valdez) na pumanaw kay rene dahil sa kanyang sakit sa puso. inatake ito sa puso sa gitna ng isang kasayahan para sa kanyang napipintong operasyon. nagkaroon din ng kasintahan si rene noong kanyang kabataan sa katauhan ni alicia (armida siguion reyna) na dahil sa katandaan at pagkakaroon ng dementia ay nakalagak na sa hospisyo para sa matatanda. bagamat madalas ang pagdalaw niya sa simbahan upang makipag-usap sa kura (gardo versoza), di naman nagsisimba si rene. dahilan niya, galit yata ang diyos sa kanya dahil sa kinahinatnan ng kanyang buhay. sa bawat eksena ni gardo versoza, palagi siyang may abaniko kahit makulimlim naman ang araw. maaari itong metaporo para sa tagong pagkatao ng kura o ironiya sa kanyang di pagiging interesado sa mga maninimba ngunit may tunay namang malasakit sa mga ito. medyo kumbensyunal naman ayon sa kalakaran ng komedyang pinoy ang talakay ng pelikula sa mga bungangaan nina rene at kanyang kaibigang si mother zaldy (soxy topacio) at katulong nitong pinapelan ni joey paras. parloristang taratitat ang dalawa habang “nag-uumasim” naman si rene, lalo na nang padalhan ni mother si rene ng mga “boys”.
 
sinematikong paepek ang pagkakaroon ni rene ng espesyal na relasyon kay bwakaw. oo nga’t puwedeng may espesyal na ugnayan sa pagitan ng amo’t alaga, pero medyo malayo sa hinagap sa katotohanang pampinoy na magkaroon ng isang matandang bakla na may kasamang askal sa lahat ng kanyang puntahan. alam naman ng lahat na sa kulturang pinoy, ang aso ay “taong bahay”. madalas kaysa hindi, iiiwan ang mga alaga upang bantayan ang bahay lalo na nga’t wala nang kasama sa bahay si rene. wala pa tayo sa kalakaran sa ibang bansa na humahanap ang mga matatanda’t may kapansanan ng alagang maaaring umakay sa kanila sa bawat galaw nila lalo na sa labas ng bahay. pero sige na nga, pasable na rin ang ideyang ito dahil nakatutuwa ang asong gumanap bilang bwakaw, si princess. at siyempre dahil kay bwakaw, nakilala ni rene ang traysikel drayber na si sol (rez cortez). magkaaway muna ang kanilang ugnayan dahil sa pag-angil ni rene kay sol sa bayaran ng pamasahe. pero nang magkasakit si bwakaw at tuluyan nang mamatay ito, nagbago ang relasyon nina rene at sol. naging suki ni sol si rene at nagkapalagayang-loob upang ipagkatiwala ni rene ang pagpipintura at pagkumpuni ng kanyang bahay kay sol. ang kakatwang atraksyon ni rene sa mukhang di mapagkakatiwalaang si sol ang isa sa indieng-indie na ideya ng pelikula. dahil na rin sa atraksyon at siguro’y huling bambang na pagpipilit sa pag-ibig at pita, ninakawan ni rene si sol ng halik at tulad ng inaasahan, nagalit ang machong si sol kay rene, di na niya ito pinansin at tuluyan nang lumayo. bagamat di natuloy ang sana’y mas indieng-indie na pag-iibigan ng dalawa, nagkaroon ng bagumbuhay si rene. inilabas niya ang lahat ng gamit mula sa kahon at dinekurasyunan ang kanyang bahay bilang meteporo sa pagkakaroon nitong muli ng sigla at ganang magpatuloy sa buhay at maging masaya.

 di kalat-kalat ang mga banghay ng pelikula ni jun lana at may maayos na daloy ng talakay. bagamat indie ito, wala itong magalaw o nakahihilong mga kuha ng kamera at maayos ang pagkakakuwadra sa san pablo, laguna, malayo sa dumi o sukal ng kamaynilaan, ang palagiang lunan ng mga pelikulang indie. isang tunay na alagad ng sining si eddie garcia. epektibo ang batikang aktor at direktor bilang rene kahit na nga para bang nahirapan siya ng sobra sa mga eksenang kailangan niyang sumakay sa traysikel.

sa kabuuan, istorya ang bwakaw ng pagtanggap sa sarili kahit nasa dapithapon na ng buhay at pag-iisa sa pagtanda. medyo kumbensyunal at makailang-beses na ring tinalakay ang temang ito sa ibang pelikula at palabas sa telebisyon ngunit sa bwakaw, binigyan ito ng nakatutuwang positibong pananaw at malugod na lapit. tagumpay ito sa paghahatid ng balanse sa pagitan ng mga katatawanan at mga eksenang malungkot o mabigat.

Tuesday, July 24, 2012

rude

A rude nature is worse than a brute nature by so much more as man is better than a beast: and those that are of civil natures and genteel dispositions are as much nearer to celestial creatures as those that are rude and cruel are to devils.
- Margaret Cavendish

marzon

trabaho ang ipinunta ko sa kalibo nitong hunyo. isang gabi lang naman ang kailangan kaya sabi ko kay alice, bahala na siya kung saan ako ibu-book. sa marzon hotel na lang daw ako, sabi niya. ok, 'ika ko.

mula sa paliparan ng kalibo, nagtraysikel ako papuntang marzon. malawak ang kompleks nito. may dalawang gusali, isang gawa na at isang may pukpukan pang nagaganap. maaga raw ako para sa check in kaya ang tanong ng receptionist, "magtatagal ba kayo sa room, sir?" sabi ko hindi naman kasi may meeting ako ng alas-2 ng hapon. "kasi po medyo maingay, sir." may konstruksyon pa ngang ginagawa upang dagdagan ang gusaling ito ng pangatlong palapag pero ok lang naman sa akin. basta ang mahalaga pagsapit ng alas-5, tigil na ang ingay ng pukpukan.

maayos naman ang silid. maluwag at malaki ang kama. marami-rami ring channel sa tv. ang kakatwa sa silid na ito sa marzon, magkahiwalay ang liguan sa palikuran. pinagigitnaan nito ang mismong pinto ng silid. di ok para sa akin na kailangan mo pang lumabas ng silid upang kumuha ng libreng tubig sa dispenser na nasa pasilyo. sa halaga ng silid, dapat ay kasama na ang libreng 2 bote ng mineral water dahil di rin naman kasama ang almusal sa presyo. masarap at nakabubusog sa dami ang pagkain sa restawran ng marzon. wala ring palya ang koneksyon ng wifi. medyo malayo ito sa sentro ng kalibo pero malapit ng kaunti sa paliparan.

para sa biyaheng pantrabaho, ok na ang marzon. pero mahal ito para sa bakasyong panggrupo o pampamilya.

Monday, July 23, 2012

hor mok pla

streetfood. yup, that southeast asian phenomenon. some say these are our comfort food, food on the go and easy meals... even faster than the fastest fastfood. my june trip in thailand gave me another great sampling of thai streetfood. sukhumvit soi 11 provided my grilled pork on skewers, spicy minced pork with basil, while siam area (right in front of the paragon night market) gave me my almost quarterly sampling of omelette with minced pork and fried rice with chicken. of course, going back to aloft, i needed some sweets so it was sticky rice with ripe mangoes. not to mention the pad thai along soi 11!


during this trip, i also went to koh kret, just outside bangkok. before doing my "temple run", its narrow streets provided new and exciting streetfood fare. deep-fried flowers and various herbs got my attention and i quickly tried an assortment of crunchy flowers and leaves dipped in sweet and spicy sauce. in some other parts of asia, these flowers might be tea but in thailand, these were made kropeck-style crunchy snack. somewhat similar to hor mok pla (steamed fish curry in banana cup), i also got a chance to sample a fish-based snack. the vendor told me that it is considered a dessert but to me, it should have been eaten with rice. sweet because of the coconut milk, it might be something pinoys would consider as fish bola-bola.


cheap, tasty and exciting... i'm always up to try out new streetfoods (except perhaps in india). till my next streetfood trip!

Sunday, July 22, 2012

aloft

points. yup, my SPG points were the key to my stay in bangkok's aloft in june. aloft is located in sukhumvit soi 11, about 5-10 minute walk from nana BTS station. they have a free tuktuk service that would bring you as far as asoke BTS station and back to the hotel. since its is right in the heart of bangkok's busy areas, thai streetfood can be found everywhere. from sticky rice with mangoes, barbecue, green curry, thai fried chicken and a lot lot more. aloft's lobby smelled nice and looked the part of a modern and edgy hotel. the pool was nice and the room was comfortable. if there was one thing that didn't quite work out for me was aloft's strict two mineral water bottles per room per day policy. other than that, aloft is all good.