Tuesday, July 24, 2012

marzon

trabaho ang ipinunta ko sa kalibo nitong hunyo. isang gabi lang naman ang kailangan kaya sabi ko kay alice, bahala na siya kung saan ako ibu-book. sa marzon hotel na lang daw ako, sabi niya. ok, 'ika ko.

mula sa paliparan ng kalibo, nagtraysikel ako papuntang marzon. malawak ang kompleks nito. may dalawang gusali, isang gawa na at isang may pukpukan pang nagaganap. maaga raw ako para sa check in kaya ang tanong ng receptionist, "magtatagal ba kayo sa room, sir?" sabi ko hindi naman kasi may meeting ako ng alas-2 ng hapon. "kasi po medyo maingay, sir." may konstruksyon pa ngang ginagawa upang dagdagan ang gusaling ito ng pangatlong palapag pero ok lang naman sa akin. basta ang mahalaga pagsapit ng alas-5, tigil na ang ingay ng pukpukan.

maayos naman ang silid. maluwag at malaki ang kama. marami-rami ring channel sa tv. ang kakatwa sa silid na ito sa marzon, magkahiwalay ang liguan sa palikuran. pinagigitnaan nito ang mismong pinto ng silid. di ok para sa akin na kailangan mo pang lumabas ng silid upang kumuha ng libreng tubig sa dispenser na nasa pasilyo. sa halaga ng silid, dapat ay kasama na ang libreng 2 bote ng mineral water dahil di rin naman kasama ang almusal sa presyo. masarap at nakabubusog sa dami ang pagkain sa restawran ng marzon. wala ring palya ang koneksyon ng wifi. medyo malayo ito sa sentro ng kalibo pero malapit ng kaunti sa paliparan.

para sa biyaheng pantrabaho, ok na ang marzon. pero mahal ito para sa bakasyong panggrupo o pampamilya.

No comments: