sa kahit sino naman sigurong tao, may kakaibang halina ang anumang libre. ‘pag walang bayad, dali-dali ang daluhong. ‘pag sinabing di kailangang maglabas ng pera, ura-urada ang desisyong pagsugod. libre nga kasi. di naman araw-araw ay makakasumpong ka ng libre di ba? kaya’t wala nang patumpik-tumpik, go na… maski di tiyak ang kahihinatnan ng abentura.
sa pangkaraniwang pagkakataon, di ko pag-aaksayahan ng anumang atensyon si nicki minaj. di ako pamilyar sa kanyang karera at dalawang kanta lamang ang medyo nasagap ng aking radar – ang super sikat na superbass at ang bagong starship. pero dahil sa libre nga ang tiket mula sa RIM, wala nang dalawang-isip. pagpatak ng alas-6, sumibad na kami ni mabel [salamat sa mga piktyur sa ibaba] papuntang MOA arena (na parang isang malaking sabungan lamang). doon namin kinita ang mag-asawang si kr at joey.
front act ni nicki ang all stars. nagrara-rap at nagsipag-indayog ang mga ito sa entablado sa loob ng mga 30 minuto siguro. tumaas na ang enerji ng madla. pero dahil sa higit na 30 minutong paghihintay sa pagsampa ni nicki, bumaba ulit ang enerji. ngunit hiyawang matindi pa rin ang sumalubong sa mangangantang galing sa trinidad. tulad ng inaasahan, di ko alam ang halos lahat ng kinanta niya… bukod pa sa di ko naman talaga naiintindihan ang mga linya ng nililitanya niya. para ngang 3 mahahabang kanta lang ang lahat ng kinanta niya dahil pare-pareho ang tunog sa tainga ko. gayunman, kaindak-indak naman ang saliw ng musika, kahit na nga medyo masikip at inalis nila ang mga upuan sa patron section. buti na lang at rap ang mga kanta niya, wala ring masyadong jologs na nagsusumigaw kasabay ng pagkanta ni nicki. mabilis lang at natapos din agad ang kakakanta ni nicki. wala pang isa’t kalahating oras, tapos na ito.
libre. ‘yun ang puno’t dulo. libreng aliw, kahit di naman talaga solidong aliw. aliw na ok na rin naman, dahil libre nga naman kasi. di tulad ng katabi naming super fan ni nicki na gumastos ng tatlong libo, wala kaming ginastos bukod sa pamasahe’t pagkain sa tokyo tokyo. naalala ko pa si serena williams kay nicki minaj. sa susunod na libreng aliw ulit!
No comments:
Post a Comment