Friday, July 20, 2012

duda

kumpiyansa sa sarili. mahalagang bahagi ng pagbubuo ng sarili. sabi nga ng marami, dapat mong sampalatayanan ang iyong kakayahan, abilidad at buo mong pagkatao upang paniwalaan ka rin ng ibang tao at makuha ang kanilang respeto. ngunit paano kung labis na ang kumpiyansa ng isang tao sa kanyang sarili? tama pa rin bang matatawag na inalis na ng tuluyan sa kanyang bokabularyo ang mga salitang alinlangan o duda?

maaaring sa mga datos na batay sa saliksikan ay madalas na walang duda sa iyong kaalaman o opinyon. base naman ang mga ito sa mayabong na karanasan sa pakikipagtalamitan sa mga manlalaro sa merkado, kaya pasable na rin. at siyempre, sangkatutak na rin naman ang sinawsawang mga pag-aaral kaya madali na ring humugot ng kung anu-anong pabaon sa mga mamimili ng datos.

subalit pagdating sa tao, madalas kaysa hindi, palpak kang madalas. maging pamamanihala, pag-aanalisa ng mga tunguhin ng mga ito o pagbasa sa kung anong klaseng indibidwal ang ibang tao, maraming beses nang pumalya ang iyong pagbibigay-opinyon. bagamat ikaw na mismo ang isa sa mga unang tao na nagsabing ito ang isang aspetong talagang dispalinghado ka, tuloy-tuloy pa rin ang madalas ay di responsableng pagbibitiw ng mga salita tungkol sa kawanihan. siguro pinalalakas ang loob mo na magsasali-salita dahil tila marami ang naniniwala at mukhang may bigat ang bawat opinyon mo. dahil siguro walang kakabug-kabog ang bitiw mo sa iyong mga salita. punumpuno ng kumpiyansa kumbaga at walang alinlangang sasabihing di dapat na manatili ang isang indibidwal kesyo dahil sa di talaga magaling ang mga ito o kaya’y aalis na ang mga tao pero hanggang ngayon ay nandiyan pa rin naman. makailang beses na rin na tunggak ang basa sa mga bagay-bagay at madalas kaysa hindi, pinagmumulan ito ng mga usapin at di kailangang mga isyu. ang pinakamasama pa rito, dahil sa di maipaliwanag na kumpiyansa sa sarili, marami na ang nagsilayas dahil sa iyo mismo. walang ibang dahilan sa kanilang pangingibang-tanggapan kundi ang walang habas mong dila na para bang hinugot mula sa halimaw sa banga.

ok naman sa ibang aspeto pero sana’y matutuhan mong magdalawang-isip dahil di ito malaking kabawasan. mabahiran sana ng kaunting alinlangan ang iyong isip. hindi sa lahat ng pagkakataon ay may katumpakan ang iyong mga salita. kabahan ka naman minsan. ‘yun bang pagdudahan mo naman maski paano ang ilan sa iyong mga hinuha lalo na ‘yung may kinalaman sa ibang tao at kasapi ng kawanihan. hindi dahil ginamit mo ang mga salitang “marahil” o “baka sakali”, tanda na ito ng pagkakaroon ng karuwagan bilang pinuno. maging ang mga pinakapaham sa sangkatauhan, may atubili pa rin. mayroon pa rin silang mga sandali ng pagtatanong tulad ng “tumpak ba talaga ito? o dapat pang muling suriin at baka naman nabubulagan lang ako.” kapag may kaunting dosis ng duda, pinananatili nito ang paa natin sa lupa. pinatutunayan nito na tao pa rin tayo… maaaring magkamali at di tiyak sa maraming bagay. walang sinuman ang palaging tama at may monopolyo ng katumpakan sa lahat ng bagay. maliban na lang kung may sayad ka o di ka mula sa daigdig na ito.

o baka nga isinabuhay mo na ang pagiging kokey, gabing kabubunot lang sa lupa? piho ko lang.

2 comments:

joyfulmom said...

ang hirap basahin, bukod sa malalim na mga salita, ang lilit ng letra. kinailangan ko pang isuot ang salamin.

dyoobshvili said...

ate joy, pwede mong i-adjust ang viewing settings ng laptop or desktop mo so that you don't have to use your salamin. :)