ang laptop ay isa sa maraming kagila-gilalas na imbensyon ng modernong panahon. dahil sa mga ito, posible na ang walang hadlang na pagtatrabaho sa malalayong lugar at isa ito sa pinakamahahalagang salik sa likod ng pagyabong ng makabagong midyum na internet. sa madaling salita, kasangkapan ang laptop sa mobilidad. sa mga lugar ng paggawa, rikisito na ang pagbili ng mga laptop upang ipamahagi sa mga kawani para sa iba’t ibang mga prosesong pangnegosyo. bukod sa mas matipid ito sa elektrisidad, puwede nang mag-uwi ng trabaho ang mga kawani sa mga sandaling lagpas-leeg ang trabaho o di kaya’y may biyaheng bahagi ng trabaho.
ok naman ang iuwi kasi nga ay dinisenyo naman ang laptop sa paroo’t paritong aktibidades at higit na episensya sa pagtatrabaho. ngunit sadyang kalabisan ang ipilit na iuwi ng lahat ng kawani ang mga laptop sa panahong masungit ang panahon, gaya nitong mga nakaraang araw sa kamaynilaan. halos gabi-gabi, walang patid ang pag-ulan kahit na nga walang bagyo. nitong ika-6 hanggang ika-9 ng agosto, binaha ang kamaynilaan bunga ng malakas na ulang dulot ng habagat. pinalala nito ang matagal nang masalimuot na pagbiyahe papunta sa trabaho at pauwi mula rito noong gabi ng lunes habang marami ang di nakapasok noong martes hanggang huwebes. kung ganito kalala ang sama ng panahon at makikipagsiksikan ka pa sa mrt, pipila para sa dyip, maghihintay ng matagal para sa bus at lalakad pa ng ilang dipa, bibitbitin mo pa ba ang laptop mo? wala pa rito ang banta ng mga holdaper at isnatser na maaaring maglagay sa iyong buhay sa alanganin sakaling may masamang loob na mag-interes sa iyong bitbit na laptop. malamang kaysa hindi, iiwan ng bawat empleyado ang mga ganitong kagamitan dahil dagdag pa ito sa iisipin mo gayong ang ligtas na makauwi sa tahanan ang dapat na tanging puntirya ng lahat sa mga ganitong panahon.
bakit di n’yo muna kayang subukan kung gaano lalong kahirap ang komyut sa pilipinas kapag masama ang panahon bago magpalipad-hangin na dapat bitbitin ng bawat kawani ang kani-kanilang mga laptop sa araw-araw? ang buhay kawani sa ‘pinas ay di gaya ng sa kuala lumpur kung saan halos lahat ay nagmamaneho o sa singapore na may maayos na sistema ng transportasyon. maging sa mga lungsod ngang ito, di rin tiyak na walang mangyayari sa kalsada dahil dokumentado na rin ang insidenteng agawan ng laptop sa kl at singapore sa ilang mga taga-aydisi. di naman lahat ng tao ay nag-uuwi ng kani-kanilang mga laptop, liban na nga lang kung may nakabinbing trabaho o may inaasahang matagalang di pagpasok sa opisina pero magatatrabaho pa rin. di rin naman nagkulang ang mga empleyadong ipaalam ang mga pangyayari kung ang nais lang gamitin ang laptop para sa komunikasyon. sa mga nag-uwi ng laptop, puwedeng wala ring kuryente sa kanilang lugar o di kaya'y mahina ang signal ng internet kaya wala rin itong kuwenta.
kung nais na ipilit ang ideyang ito, dapat ay maglaan ng sustentong para lang sa paroo’t parito ng bawat kawani upang iuwi ang kani-kanilang mga laptop. pera itong maaaring gugulin ng bawat isa upang pangalagaan ang gamit ng kumpanya at ipagsanggalang na rin ang buhay ng may bitbit. sigurado wala namang badyet sa mga ganito kaya wala rin naman ito. anu’t anuman, dapat tandaan ng mga matatatanda na responsable ang mga kawani. batid ng bawat isa ang kanya-kanyang tungkulin at di ibig sabihin ng pag-iiwan ng laptop sa opisina ay pagwawalang-bahala sa mga trabaho. matindi lang talaga ang buhos ng ulan na wala namang may gusto at di inaasahang maging ganoon kalala ang pagbabaha.
‘wag na panghimasukan ang mga isyung di naman tunay na batid.
No comments:
Post a Comment