indie nga ba talaga ito? ‘yun ang tanong ko sa kalagitnaan ng pelikulang ito. madalas kaysa hindi ‘pag sinabi kasing indie, tiyak na tungkol sa kahirapan, sukal ng kamaynilaan, kabaklaan, kurapsyon at kahirapan ulit. pero iba ang nawawala. wala ritong habulan sa masisikip na iskinita. walang kuha ng nanlilimahid na maynila o anumang durukhaan. walang malikot na mga kuwadra sa kamera.
sampung taon si gibson (dominic roco) sa ibang bansa at umuwi para sa kapaskuhan. hindi pipi’t bingi, pero di pa rin nagsasalita si gibson mula nang masaksihan ang pagkamatay ng kanyang kakambal. ganoon pa rin ang kanyang pamilya: punong-abala pa rin ang panganay na si corey, mahigpit pa rin ang kanyang mommy (dawn zulueta) lalo na sa kanilang bunsong si promise (sabrina man) at larawan pa rin ng pekeng kapanatagan ang kanyang daddy (buboy garovillo). entra ang kaibigang si teddy (alchris galura) na naging daan upang makilala ni gibson si enid (annicka dolonius). may instant na atraksyon sa pagitan ng dalawa na pinaigting pa ng koneksyon nila sa musika. naging malapit sina gibson at enid na naging hingahan ng sama ng loob ni gibson, kasama sa gimik, at di kalaunan ay kaseksitaym. metaporo naman ang paggamit sa yumaong kakambal ni gibson na si jamie at ang kanilang mga pag-uusap upang ilarawan ang pag-iisip at pagtingin ng bida sa mga bagay-bagay.
mahirap ma-imagine ang reaksyon ni gibson na di magsalita magmula ng karanasan na ‘yun. sa kalakaran sa pilipinas, maaaring isipin ng marami na nag-aadik-adik ito o sadya lang na may saltik sa utak. bukod dito, likas na madaldal ang mga pinoy at relasyunal ang tendensya. pero dahil pelikula ito, papayag na rin ang manonood lalo na kapag naunawaang ang di pagsasalita ni gibson ay metaporo ng kapangyarihan ng musikang itawid ang mga damdamin at emosyon lalo na’t marami ring sigalot ang nabubuo dahil sa pasalitang komunikasyon. sa prosesong ito, naging mainam na kasangkapan ang musika upang tanggapin at pagwagian ang pait ng nakaraan. halatang mahilig sa musika ang maygawa ng pelikula at may masidhing damdamin para sa orihinal na musikang pinoy. matalino ang pagpili sa mga awitin, maging bago man ito luma o di kaya’y mabilis o kundiman. bagamat bakgrawnd lamang dapat ang mga awitin, tila naging haylayt ang mga ito upang paigtingin ang tunggalian ng mga emosyon ng mga karakter. bagamat di pamilyar ang ibang mga kanta, aabangan mo kung anong genre ang susunod na aalingawngaw sa mga susunod na eksena. samu’t saring musika at melodiya ang sangkap ng pelikula upang ilarawan ang hugnayan ng papausbong na pag-ibig at anumang kumplikasyong dala nito.
tumpak ang paglunan sa mga modernong dibersyon ng mga kabataang maykaya sa ngayon tulad ng mga kapihan, mga inuman o bar na nagtatampok sa mga bandang indie (tulad ng saguijo sa san antonio, makati), mga spa na puwedeng tulugan at mga convenience store kung saan naglulustay ng oras ang marami. cool ang tulin ng pelikula, walang pagmamadali sa pagbabalat ng mga suson at di rin naman kabagut-bagot. sakto rin ang mga kuha’t sinematograpiya at hindi malikot ang kamera. swak ang pagpili at kapani-paniwala’t mahuhusay ang mga nagsiganap sa pelikula, lalo na si dominic at felix roco, ang luminus na si dawn zulueta at ang baguhang si annicka dolonius. bagamat nakipag-sex si enid kay gibson, walang halo ng pekeng moralidad ang talakay dito. sinasabi lamang na di dapat ikahiya o itatwa ng kababaihan ang kanilang sekswalidad, lalo na’t kung naiintindihan nila ang maaaring maging bunga nito at responsable itong harapin.
nakapaninibago ang pelikula ni marie jamora sa daluyong ng mga pelikulang indie na nasadlak na sa tinaguriang “mapait na reyalismo ng buhay sa pilipinas”. puro kahirapan ang tema ng karamihan ng mga indie, kaya naman kalugud-lugod ang nawawala. pinakita nito kung paanong maaaring maging malapit ang indie sa meynstrim. ginalugad nito ang eternal na tema ng pag-ibig at pagpapalaya sa minamahal, pati na ang hindi perpektong buhay ng isang pamilyang nakaririwasa at kung paanong ang pagkawala ng isang minamahal ay nagpapabago ng takbo ng buhay ng mga naiwan. ang mga suliraning bunga ng kawalan ng epektibong komunikasyon sa loob ng tahanan ay di masasawata sa pamamagitan ng pagtakbo mula sa mga ito. coming of age ang sentral na tema pero wala ritong palabok ng pilit na pagkakamit ng kahustuhan ng pag-iisip o di kaya’y kapusukan ng kabataan. iginuhit ng ang nawawala ang pagkakamit ng katubusan mula sa nawalang mga taon dahil sa mapait na karanasan. sa huli, walang mga pasabog na kinailangan sa coming of age ni gibson kundi ang magsalita lamang… una ay kay enid, tapos sa kanyang mga kapatid at huli ay sa kanyang ina. simple, may kakaibang halina, may bigat ngunit di mabigat, di nasayang ang 150 ko sa unang produkto ni jamora.
No comments:
Post a Comment