Thursday, August 23, 2012

obesity

linggo ng gabi, napanood ko ang cheche lazaro presents tungkol sa sakit na obesity o sobrang katabaan. tulad ng ibang mga episode nito, ok ang talakay ng palabas. may mga interbyu kay iza calzado at mga kaso nina mercy alcantara, spo1 de leon at harry, bukod pa sa panayam kina dra. sanirose orbeta at dr. randy dellosa para sa kanilang kaalaman at propesyunal na mga opinyon tungkol sa nutrisyon at sikolohiya. tinalakay dito ang mga istatistika tungkol sa katabaan dito at sa ibang bansa, epekto nito sa kabuuang kalusugan at pag-iisip ng maykatawan mismo, isyu ng trabaho o hanapbuhay na may kinalaman sa katabaan at pangkalahatang epekto ng katabaan sa badyet at maging ang paggastos ng gobyerno sa kalusugan. pati usapin ng kasarian nakanti rin dahil mas marami umano ang mga babaing may obesidad kaysa sa mga lalaki ngunit mas malaki raw ang sahod ng mga lalaking matataba. ngunit medyo nakulangan ako sa pagrarason tungkol sa epekto ng kultura sa problema ng katabaan. siyempre may epekto ang gawi ng mga pinoy sa modernong suliraning ito, maaaring sa lokal na paniniwala o kung paano talaga kumain ang mga pinoy.

kapag ang isang sanggol o bata ay may bundat na tiyan, mapipintog na pisngi’t namumutok ang mga braso sa katabaan, cute na cute ang tingin ng mga tao rito sa lipunang pilipino. madalang na sabihin na cute ang isang batang payat o may timbang na tama lang. tanda raw ito ng di nagugutom ang pamilya. ibig sabihin, nakabibili ang pamilya nito ng higit sa sapat na pagkain at di pinababayaan ng mga magulang ang bata. nangingibabaw ang persepsyon na “baka sabihin ng ibang tao, wala na tayong makain.” sabi nga ng ibang matatanda, mas ok ang mataba kaysa payat kaya siguro hinahayaan ang ilang mga bata na kumain nang kumain. may paniniwala ring “bata pa naman”, kaya sige lang ng sige sa pakain ng kung anu-ano sa mga ito. siguro epekto rin ito ng kasaysayan ng pilipinas nitong huling limandaang taon. may kagutuman at talamak ang negatibong impluwensya ng mga dayuhang sumakop sa kapuluan tulad ng enggrandeng mga piyesta. siyempre, naging mas halata ang dibisyon ng mahirap at mayaman at ayaw ng marami na mabansagang nagdarahop o patay-gutom na kaya sige-sige lang.

sigurado akong di ito taal sa mga pinoy kundi bagong salik lang sa kultura pero para sa akin, may epekto rin ang medyo tunggak na pagtingin ng mga pinoy na side dish lang ang gulay. ang mismong ulam (o main dish) ay mga ulam na may karne ng baka, baboy, manok o isda. sahog lang ang gulay sa mga ito, puwedeng pampakulay tulad ng carrots o patatas o kaya ay pamparami tulad ng sayote o kangkong. at siyempre, balik ulit tayo sa konsepto na ayaw ng mga pinoy na matawag na naghihirap. nakalulungkot man, pero natagurian na ang gulay na pagkain ng mga walang-wala na. mahirap ka na kapag tuyo o sardinas na lang ang kinakain mo. pero malalang paghihikahos na ang tingin kapag talbos ng kamote na lang ang kinakain ninyo. dahil sa tindi ng epekto ng sasabihin ng iba, maski wala nang pera, pipilitin ng karamihan na maghain ng karne ng baboy o manok. sa mga piging, madalas ay walang “handa” na gulay ang pinakatampok. palaging may caldereta, afritada, menudo o anumang masarsa’t makarneng mga ulam pero walang pinakbet o anumang sariwang salad. pabulaanan man ng iba, may epekto ang “mababang” pagtingin sa gulay kung bakit karamihan ng mga bata ngayon ay ayaw kumain ng mga ito.

siyempre nagsipasok pa ang mga dayuhang produkto tulad ng soft drinks. mabilis ang takbo ng araw-araw na gawain at may kakaibang halina ang anumang ‘kano sa mga pinoy kaya nagkaroon din ang puwang ang fastfood at sangkaterbang mga instant na pagkain. sa makabagong panahon, naging iba na rin ang takbo ng buhay ng mga pinoy. mas maraming babae na ang nagtatrabaho kaya naman naiiwan ang mga bata sa mga yayang wala namang gaanong sabi sa kung ano ang dapat kainin ng mga bata o kaya ay sa mga lolang mas may potensyal na magpalayaw sa mga apo. mauuwi ang pagpapakain sa mga bata sa mga madadaling ilutong pagkain tulad ng hotdog, longganisa, de-lata at ang “bagong kanin ng mga pinoy”, instant pancit canton. sa tingin ko, ang makabagong konsepto ng pagtatanong sa mga bata kung ano ang nais nilang kainin at pagpayag dito ay di rin nakabubuti sa kabuuan. wala na ‘yung mga panahong wala kang pagpipilian kundi kainin ang ginisang ampalaya kahit ayaw mo dahil di ka pagbibigyan ng mga matatanda. siyempre, nariyan din ang epekto ng telebisyon at kompyuter. wala pa namang suliranin sa katabaan noong di pa bahagi ng pamilya ang TV. pero dahil sumentro na rin ang buhay sa bawat bahay sa TV, ang paghilata at panonood nito ay nagbunga ng kawalan ng ehersisyo. lalo pa nga ng umusbong ang makabagong libangang hatid ng kompyuter. halos di na tumatayo ang mga tao, bata man o matanda, sa harap nito at ihi na lang ang pahinga ng karamihan.

likas sa mga pilipino ang hilig sa pagkain. kaangkla ito ng marami sa ating mga tradisyon at sabi pa nga sa kapuso mo, jessica soho, may mga pagkaing sadyang niluluto lamang upang ipagdiwang ang ilang mahahalagang okasyon. likas din sa atin ang pagmamahal sa kanin o anumang pagkaing mula sa bigas. ngunit hindi ang kanin ang pinakadahilan sa paglobo ng mga bilang ng matataba sa pilipinas. ito’y mauugat sa pagbabago ng gawi ng mga tao sa pagkain, paano gugulin ang bawat oras at ang katamarang impluwensya na rin ng makabagong panahon.

anu’t anuman, ang anumang sobra ay masama kaya’t di dapat magpakabundat. kapag kulang, masama rin kaya dapat dagdagan ang pisikal na mga gawain at ehersisyo. at dahil diyan, tatakbo nga muna ako sa paligid ng boni high street.

No comments: