Wednesday, August 15, 2012

commuting

nakapapagod nga ang magkomyut sa pilipinas. naisulat ko na rin dito ang mga hinaing ko tungkol dito. pero sa kabilang banda, may kakatwang mga bentahe naman ito. una, bawas sa emisyon ng karbon dahil sa kabawasan din sa potensyal na mas marami pang sasakyan sa mga kalsada. mas matipid din kahit paano ang pagkokomyut kaysa sa pagmamaneho ng sariling sasakyan. di na magbabayad para sa parking at wala ring gasolina o diesel na kailangang bilhin. ligtas na rin ang isip mula sa gastusing may kinalaman sa mentena at pagpapagawa ‘pag may sira ang sariling sasakyan.

sabi rin ng men’s health philippines, ang drama ng buhay sa ‘pinas ay makikita rin sa araw-araw na pagbiyahe papunta sa trabaho at pauwi mula rito. may mga walang wawa hanggang sa seryosohang mga labanan ng init ng ulo at emosyon. sangkatutak ang mga nakaambang panganib sa mga lansangan ng kamaynilaan. kaya naman sa pagkokomyut, tumatalas ang pakiramdam ng mga tao, natututong maging mapagmatyag at laging maging alisto upang pangalagaan ang sarili at kagamitan. medyo napapraktis mo rin ang simpleng adisyon o subtraksyon dahil sa bayaran sa pamasahe.

mahirap ang pagkokomyut kaya ito’y isang porma na rin ng ehersisyo dahil sa pagtagaktak ng pawis mo sa pakikipagsiksikan sa mga bus o pagpila sa mrt o lrt. mananakay lang naman kaya di banta sa buhay ang pagte-text, di gaya ng ‘pag ikaw mismo ang nagmamaneho. di na rin kailangan pang mag-isip kung ano ang pakikinggan mong istasyon sa radyo dahil walang pagpipilian kundi ang love radio o yes fm ng bus. libre na rin ang palabas sa telebisyon habang may kutkutin kung naiipit sa trapiko.

bahagi na ng komyut ang mabigat na daloy ng trapiko. sa haba ng oras na kailangang gugulin, nagiging panahon na ang pagkokomyut para sa iba na magmuni-muni at mag-isip. puwede rin namang klaruhin lamang ang isip sa lahat ng alalahanin o di kaya’y makapag-isip ng isang pantas na ideya tulad ng bagong negosyo. siyempre ang pag-iisip ay di dapat maging malala na umabot na sa paglipad ng isipan na di na inalala ang sariling kaligtasan!

sa komyuting, napapaisip ka rin sa halaga ng mga bagay na di mo gaanong ginagawa pero kailangan pala talaga. tulad na lang ‘pag hiningal ka sa pag-akyat sa mrt, lalo na sa ayala station galing sa bgc. kailangan mo pala talagang mag-ehersisyo at maging mapili sa mga kinakain upang di mo na habulin ang hininga. o kaya ay kailangan mo pala talagang mag-sit up para lumakas ang iyong pinakapusod sa sandaling kailanganin mong makipagbuno sa loob ng higit pa sa sardinas na mrt. sa huli, ang komyuting din ay daan upang magpamalas ng magandang asal kahit na nga malaking entablado rin ito ng kawalan ng pakikipagkapwa. sa dyip, ang pag-aabot ng bayad ay isang porma ng magandang asal na di makikita sa ibang kultura. may mangilan-ngilan pa rin namang mga lalaking nagbibigay ng upuan sa mga babae o matatanda. sa pagpila, napipilitan ang mga tao na magpakatao maski paano kapag nasa labas ng bahay. at dahil lahat na ng uri ng tao ay makikita mo sa pagkokomyut, isa rin itong pagsasanay kung paano pakiharapan ang iba’t ibang uri ng tao sa lipunan.

‘tsaka malay mo, mula sa pagkokomyut ay makilala mo ang taong nakalaan sa ‘yo! teka, pipila pa kami para sa bgc bus. masayang commuting!

No comments: