Saturday, April 28, 2012

jel and nice

di kami mayaman. di nabibilang sa higit na maalwang taas na bahagi ng middle class. may pagkakataon si papa na magkamal ng salapi noong nasa kapangyarihan pa. pero di niya ito ginawa. sa halip, lalo pang nawala ang anumang maliit na naimpok nila ni mama nang maging kapitan ng capri si papa.


sa panahon ngayon, isang malaking atsibment na sa sinumang magulang ang makapagpatapos ng kolehiyo. mataas ang gastusin, ibayong sakripisyo ang kailangan. siyempre, nariyan din ang iba’t ibang balakid at temptasyon sa bawat kabataan. madaling mabulog ang mga kabataan ngayon sa bisyo, kawalan ng direksyon sa buhay at mabuway na moralidad. iba nga nga raw ang panahon, sabi ng matatanda.

kaya ganoon na lamang ang tuwa ko nang makatapos ang aking mga pamangking sina ate nice at ate jel sa kolehiyo. naunang nagmartsa si jel nitong marso, tapos ng IT sa fatima. sumunod naman si nice nitong abril sa baguio, tapos naman ng language and literature sa U.P. baguio. parang kailan lang ay nagdidiskusyon pa kami kung ano ang kukunin nilang kurso sa kolehiyo. ngayon, pagkatapos ng apat na taon, sasabak na rin sila sa mundo ng trabaho, buwis, intriga, pagbibitiw, buwanang sahod, at ang pagkakataong makatulong sa pamilya.

di naging madali para sa dalawang ito ang proseso ng pagtatapos. kinailangan nilang pigilin ang sarili sa anumang walang kapararakang paggastos upang matulungan ang kani-kanilang mga magulang. tumatao pa si jel sa kanilang tindahan araw-araw dahil wala namang ibang aasahan sa kanila. si nice naman ay sumuper ang pagtitipid dahil bukod sa gastos ng twisyon ay kailangan pa siyang iupa ng tirahan. siyempre, dagdag pa rito ang pang-araw-araw na gastos sa pagkain at pamasahe.


lagi kong dalangin ang inyong tagumpay sa larangang inyong papasukin, jel at nice. sa gayon, mailipad natin ang inyong mga ina sa europa!

higit akong masaya para sa aking dalawang ate, ate ne at ate she. wala pa akong anak pero naramdaman ko ang kakaibang galak nila ng dumating ang araw ng pagtatapos ng kani-kanilang mga anak. abut-abot ang sakripisyo nila upang maitawid ang bawat semestre. alam kong may mga gabing di makatulog dahil sa pag-iisip kung aabot ba ang pera upang may maipambayad. tipid dito, impok doon. di kasi kami kagaya ng ibang masuwerte na napamanahan ng hanapbuhay. kailangang magbanat ng buto at mamuhunan ng pawis at dugo. sa tindahan lamang dumepende si ate ne para mapag-aral si jel at gerald. may tulong din na nagmula sa mga lola’t tiyahin ni jel. pero siyempre, ibayong dedikasyon ang ginawa ni ate ne. di biro ang magpatakbo ng tindahan lalo na’t sobra rin ang dami ng kumpetisyon sa kanilang lugar. sa awa ng diyos, higit 2 dekada na ang tindahan nila sa bulacan. simpleng maybahay naman si ate she. pero sa taas ng gastusin upang matustusan si nice baguio ay kakaibang diskarte sa pera ang kinailangan. kailangang pagkasyahin ang kita ni kuya george sa lahat ng kanilang pangangailangan, wala pa rito ang maya’t mayang mga tulong kina papa at tita jo.

saludo ako sa inyo, ate ne at ate she. magkape na tayo ulit!

No comments: