Wednesday, April 4, 2012

statement

may kakaibang epekto raw ang ibang mga tao sa atin. puwedeng positibo o salangsang. positibo kapag dahil sa taong ito, umiba ang direksyon ng buhay natin. naging mas mabuting indibidwal tayo dahil sa gawi, pag-iisip at kabuuang pagkatao nito. pero may mga tao ring may ligwak na pagtingin sa kanilang sarili na iginigiit ito sa kapwang nakapaligid sa kanila. mas masahol pa ito sa mga taong siniko lamang dahil nabubuhay ito sa asersyon na ang kanyang paniniwala ang sagot sa lahat ng suliranin ng sangkatauhan. lalong malubha, may kung anong mahika ang orasyong pangungunsensya nito sa sandaling di tumalima sa kanyang nais ang mga "nasasakupan".

malungkot man pero sadyang may mga taong nabubuhay sa isteytment, asersyong baligho at tahasang pahayag na "ako ay may primyum at ako ang dapat mong paniwalaan". higit na malungkot, may mga indibidwal na nagpapalamon sa apoy ng ngitngit ng mga taong ito. at tuluyan na nga sigurong inuulaol ng anumang batas na ibinaba. maaaring dahil sa kawing ng emosyon o dala ng kawalan ng gulugod. o di kaya'y hilakbot na mawala ang anumang mayroon sa ngayon.

anu't anuman ang dahilan, di pa rin ito sapat upang hayaang lubusang maglaho ang pagka-indibidwal ng bawat isa. ang pahintulutang ulaulin ng sinuman ang sariling kalooban at ut-utin nito ang iyong likas na sarili ay maituturing na isang kasalanan sa sarili. di kailangang labanan ang paggigiit ng isa pang balighong asersyon. ngunit dapat na panatilihin ang kaaya-ayang limit na, ikaw 'yan at ako ito. di dapat magpasakop sa isang taong may totoong lungkot sa loob ng kanyang sarili. di ka magtataka kung bakit lahat ng relasyon nito, mapakamag-anakan o mapakaibigan, ay laging nagkakaroon ng lamat. maaari pa sanang maayos ang mga isyu kung nagkaroon ng repleksyon ang taong ito sa kanyang sarili, umamin sa pagpiprimyum sa sarili, nagpakumbaba at natutong tawanan ang sarili sa maling hakbang.


di kailangang paliitin ang mundo tulad ng ginagawa ng maka-isteytment. oo nga't may mga taong kailangan mo ring alisin sa buhay mo, ang agarang pang-uuri ng tao at maitim na proklamasyong iwaksi ang mga ito ay tanda ng pagkaduwag. karuwagang dala marahil ng takot na magkapira-piraso ang di pa tuluyang napapanday na karakter. disposisyong mabuway na kapag di nangwaksi ng tao ay uulik-ulik hanggang tuluyang mabuwal. kung tunay na may mabuting gulugod, haharapin at pakikisamahan ang bawat isang minamahalaga ng taong mahalaga sa iyo.

di ko alam kung batid na di ikaw ang kasalakuyang ikaw. higit kang buhay noong wala pa ang batas ng isteytment sa iyo. sa nalalapit na Pasko ng Pagkabuhay, nawa'y mahanap mong muli ang iyong sarili.

makapaghihintay pa naman at gud lak.

No comments: