pakontrobersyal at papansin. 'yan si mo twister. mahilig itong magsimula ng mga usapin upang maging importante maski paano. kasi nga naman, dito lang siya kumikita. walang talento kundi ang matabil niyang bunganga. di ko kailanman nagustuhan ang intelektwal kuno nitong atake at pakikisawsaw sa lahat ng isyung meron sa lipunan. lalo na nga't di bagay sa kanyang hitsura ang pa-ingles ingles nito.
pero sa bago nitong sinumulang isyu laban sa mga anak ni jinggoy estrada, tumpak ang kanyang mga birada. makakapal kasi talaga ang mukha ng mga anak ng mga estrada sa pagbalandra ng kanilang magarbong pamumuhay gayong alam naman ng lahat kung magkano lang dapat ang sahod ng isang senador. walang delicadeza ang mga ito sa pangangalandakan ng labis-labis na paggastos habang ang malinaw na tinukoy ang kanilang ama bilang isa sa mga promotor ng malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan. di ako naniniwalang di alam ng mga anak ni jinggoy ang kabulastugang pinaggagawa ng kanilang ama dahil mula't sapul ay bukas ang kanilang isipan sa ganitong klaseng pamumuhay.
maaaring bastos nga si mo twister pero tumpak ang mga hirit nito sa mga dunung-dunungang estrada, lalo na ang konsehal pa namang panganay na si jel. oo nga't wala pang napatutunayan. pero sangkatutak ang nanlilimahid sa lipunan. kung tunay na may malasakit sa mahihirap ang mga estrada, imbis na mag-post ng mga picture sa private jet ay mano man lang tumulong sa mga nangangailangan.
sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng pakinabang si mo twister. sana sa susunod ay mga kaanak naman ng ibang kurakot na mga pulitiko.
No comments:
Post a Comment