aminado
akong di fan ng mga pelikulang intsik. madalas kasi kaysa hindi, nakababagot na
paglipad-lipad sa ere ang tema ng mga ito o di kaya ay mundo ng krimen. kaya
'pag kaintsikan ang pelikula, di ko masyadong tinitigilan. pero iba ang tears in heaven… 'yung batang si xiao bin kasi eh kaya pinanood ko na ng buo. at
nag-enjoy naman ako.
isang
taon na nang mamatay si xiao lin, ang ina ni bin (limang taong gulang) at asawa
ni yi fan. di pa tuluyang naka-move on ang mag-ama sa pagkamatay ni lin.
nagkakaproblema si yi fan sa kanyang trabaho't kalusugan habang walang interes
sa pag-aaral si bin. araw-araw kung hilingin ni bin na sana'y dumating na ang
tag-ulan at kasama nito ang panalanging magmilagro sa pagbabalik ng kanyang
yumaong ina. pagkatapos mapagalitan ni yi fan si bin, tumakbo ito palayo ng
bahay at sa di maipaliwanag na pag-ihip ng hangin, natagpuan nito si lin sa
gitna ng ulan. pagdating ni yi fan, walang anumang memorya si lin at ni hindi
nito nakikilala ang sarili. umuwi ang pamilya at nagsimulang muli. sinariwa ni
yi fan at bin ang kanilang masasayang sandali kasama si lin, pati na kung
paanong nagsimula ang pag-iibigan nina yi fan at lin. matatapos din ang
tag-ulan at ayon sa lotus fairy, dapat nang lisanin ni lin ang kanyang mag-ama.
at sa pagkakataong ito, pinal na ito.
siyempre
di naman ako naghanap ng lalim kaya nalugod ako sa pelikula. ok ito para
palipasin ang isang gabing wala namang ibang magandang palabas o kailangang
gawin. pero di naman ito totalmenteng tunggak. maayos nitong napaghalo ang
hiwaga at reyalismo, ang tuwa ng muling pagtatagpo at lungkot ng muli na namang
paghihiwalay. may sapat din itong palabok na pampakilig ala asianovela.
epektibo ang pelikula sa paglalarawan ng pag-ibig ng ama at ina sa kanilang
anak, lalo na sa pagtanggap ng mga dagok sa buhay at muling pagsisimula
paglisan ng minamahal. at siyempre, cute kasi si xiao bin! sa kalahati ng
pelikula, kumonti ang kanyang exposure dahil pumokus ang pelikula sa paglalahad
ng pag-iibigan ng kanyang mga magulang. pero di naman nito nabawasan ang
kaluguran dahil may kemistri naman ang mga gumanap kina yi fan at bin.
No comments:
Post a Comment