Thursday, October 9, 2014

biktima

walang patumangga. walang kagatul-gatol. heto na naman ang dementora. oo, isa na namang piyon ang yumukod. isa na naman ang naut-utan ng ligaya. isa na naman ang tuluyan nang nautas.

wala talagang kupas ang kapangyarihan ng nag-iisang mandragora. tunay na mabisa ang salamangka nito upang magpayuko ng mga taong mangangahas na kumalaban sa kanya.

sa laban ng mga may-edad, inakala ng iba na tatagal ang gruvi-gruving si atchi. mahaba na nga raw ang karanasan nito kaya't may sapat daw itong antidoto laban sa kamandag ng mandragora. kaya raw nitong makibaka kumbaga.

pero hindi rin. di nga tumagal ng halos apat na buwan. isang wasiwas lang ay para rin itong nawalis na alikabok. di rin ito umubra sa makamandag na gawi ng dementora. naubos din ang anumang ligaya sa katawan nito. at gaya ng mga nauna, kinailangan ding magpaalam. para kasing kumuha lang ito ng batong ipupukpok sa kanyang ulo nang tanggapin ang alok na ito.

malabong magiba ang dementora sa kanyang trono. pers klas ang ginamit nitong semento sa pagbuo ng kinalalagyan niya ngayon. at siyempre, hawak din niya sa leeg ang mga nagsisitaasan.

kaya naman, umpisa na ulit ng pilian ala-hunger games… 'yung pinakamatatapang diyan, mangyari lamang pong pumila at magpalista! mga rikisito? kailangang matibay ang sikmura, handang mawalan ng ligaya sa buhay, walang plano sa buhay kundi magpaalipin at higit sa lahat, may angking antidoto o lunas sa kamandag.

No comments: