Thursday, April 30, 2015

pacman

wala naman talaga akong pakialam sa boksing. ito ang isa sa mga isports na di ko inaabangan at di talaga pinapansin. maski na nga si manny pacquiao pa ang may laban. para kasi sa akin, 'pag may laban si pacquiao… may mahabang parada ng patalastas sa TV, may pelikula itong katapat sa kalabang istasyon at napakaluwag ng mga kalsada. sabi pa nga ng iba, wala raw krimen. kaya kung para lang sa dalawang huli, sige na nga... sana'y laging may laban si pacman.

di nga kasi ako fan. sangkatutak pang mga pagmemenos sa sarili ang ginawa ni manny. sumabak sa pelikula kahit di marunong umarte. nagpulitika kahit walang karanasan dito. at siyempre, naki-PBA pa kahit di magaling sa basketbol. para sa akin, di naman niya kailangang gawin pa ang mga ito. sementado na ang kanyang pangalan sa liga ng mga pinoy na panghabambuhay na ang dangal dahil sa karangalang inihatid sa bansa mula sa kanyang mga panalo sa boksing. ok na 'yun. kung bakit ba kasi nagsusumiksik pa kasi sa kung anu-anong kabaduyan.

pero sa kabila ng mga ito, nais kong manalo si pacman sa kanyang laban sa hambog na si floyd mayweather jr. gusto kong makitang bugbog ang kano at kay pacman ang itataas na mga kamao sa ere. 47-1 na dapat ang rekord ng kano pagkaraan ng laban. suntok at panalo para kay manny!

No comments: