madali
ngang mahulaan ang sa 'yo lamang ni laurice guillen. masayang pamilyang sinira
ng pangangaliwa… muling bumalik ang amang nang-iwan at sumambulat ang lahat ng
isyu sa pagitan ng lahat. at siyempre, mananaig ang kapatawaran at happy ending
din ito. prediktable at di na kailangan pang mag-isip ng sinuman. simple at
gaya ng maraming pelikulang pinoy, pinansitan ito ng mga eksenang araw-araw
mong matutunghayan sa mga teleserye. 'yun na nga siguro ang isang malaking
problema ng pelikulang pinoy ngayon dahil sa araw-araw, isang dosena o higit pa
ang mga teleseryeng dati nang nagreresaykel sa tema ng sa 'yo lamang. kaya wala
nang bago. wala nang sorpresa sa konsepto nito.
isang
malaking problema ng pelikula ay nagsimula ito sa paghahanap ng behikulo para
sa ilang malalaking pangalan sa bakuran ng abs-cbn. ok naman si bea alonzo,
nakakarte naman. pero masyado itong nakakahon, wala nang ginawa kundi magalit at
laging nakaangil, 'yung angil na pangteleserye ulit. maski sa mga sandaling nagpapakita
ng kanyang karupukan ay mahirap makagaanan ng loob o matanggap ang kanyang
diane. puno siya ng galit sa kanyang ama, nandoon na tayo. pero masaya naman
ang kanilang pamilya kahit ganoon ang nangyari di ba? kaya dapat ay nagkaroon
ito ng ibang dimensyon bukod sa kanyang pagiging istrikto. mahirap ding ma-imagine
na mas matanda siya kay coco martin pero siyempre kailangang ipilit ito dahil
para nga kay bea ang proyekto. oo nga't sa totoong buhay ay may isang naiiba sa
magkakapatid pero sobrang layo ng coby ni coco sa mga kapatid nito. para itong asong
inampon lang at maniniwala pa akong siya ang naging anak ni amanda (lorna
tolentino) na lumaki sa ibang tahanan. mahusay na aktor si coco pero dito,
labis-labis ang kanyang poot… para siguro tapatan ang angil ni bea! siyempre
kailangan ding bigyang panahon ang pagsuporta ni diether ocampo kahit di naman
talaga kailangang ganoon karami ang kanyang eksena.
may
mga punto ring di natahi nang maayos. una na riyan ang bigla-biglang pagtanggap
ni coco kay shaina magdayao gayong kulang na lang ay tadyakan niya ito nang
patirahin ni lorna sa kanilang bahay. dahil ba sa presyur ng nagkakagulong
pamilya kaya bigla na lang ding bumagsak ang mga grado ng karakter ni enchong
dee? o di rin talaga siya magaling na estudyante at umaasa sa kanyang pagiging
varsity player kaya nagkaroon ng scholarship. bukod dito, maraming negatibong
palaisipan ang iiwan ng pelikula sa iyo. kailangan ba talagang maski si miles
ocampo ay may kauuwiang ka-loveteam sa huling eksena? o bakit ganoon na lamang
ang laki ng impluwensya ng pari (dominic ochoa) sa pamilya? maraming eksenang
tila isiningit lang pero di talaga kailangan tulad ng flashback nina lorna at
christopher de leon o mga eksena ni enchong at lauren young.
ang
nagsilbing tagapagligtas ng sa 'yo lamang mula sa tuluyang pagiging palpak nito
ay si lorna tolentino at ang simpleng mensahe nito. ang tahimik na presensya ng
amanda ni lorna tolentino ang nagsilbing angkla ng istorya. matatag sa kabila
ng tila pagiging bakgrawnd lamang sa kagaspangan ni bea lalo na sa unang
kalahati ng pelikula. kahit na nga gusto niyang maging bida-kontrabida
paminsan-minsan, ang mga ganitong papel ang tunay na forte ni lorna. siya rin
ang may pinakamagandang character sketch dahil na rin siguro si amanda naman
talaga ang sentro ng pelikula, hindi si diane. tamang timpla ang ibinigay ni lorna
bilang isang nagdurusang maybahay pero may lihim din palang pagkakamali. sa
kanya ang karakter na katanggap-tanggap.
sa
haba ng sa 'yo lamang, ang mensahe talaga nito ay simple lang. ang kamatayan ay
bahagi ng buhay at di maiiwasan. pagtanggap at pagpapatawad ay mahirap ibigay
ngunit ang lahat ay nakakamit sa tamang panahon. walang imposible lalo na nga
kung nasa sentro ang pananampalataya sa anumang porma nito.
may panghihinayang dahil produkto ito ni laurice guillen pero ok na rin na pampalipas-oras habang naglilinis ka ng bahay.
No comments:
Post a Comment