Thursday, April 9, 2015

recommend

isa na namang nakaluluoy na sesyon sa ika-25 palapag. kung di siya tumigil, di rin ako titigil… ito lamang ang tumatakbo sa isip ko. ang mga taong hirap sa komprehensyon ay kailangang ilagay sa tamang kalagyan.

nagsulat na ako tungkol sa taong mahirap makaintindi at nakapalimitado ng bokabularyo. pero nitong huling sesyon, para itong pigsang bigla na lang naputok… 'yung wala sa oras at bigla na lang napusing parang lobo. naghasik ito ng nana… di raw siya ang nagrekomenda ng paksang 'yun. kung hindi ikaw ang nagrekomenda, kanino manggagaling ang ideya ng nakaraang mga kumbensyon? di naman ako tagaloob kaya sa kanya lamang manggagaling ang nangyari sa dating event at ideya ng tungkol sa mga pasimula pa lang na teknolohiya na may kinalaman sa pinakamahusay na gawain para sa kumpetitib na negosyo, ang paksa ng kumbensyon nila dati. sa kanya galing ang ideyang baka maaaring tahiin ang teknolohiya bilang bahagi ng pangkalahatang paksa ng pambansang pangungumpetensya.

pero hindi raw siya ang nag-"recommend"! adamanto ito mukhang 'yung terminong "recommend" ang problema niya. kung di ka nag-recommend, ano ang tawag sa pagbibigay mo ng ideya? suggestion lang? uy tiyang, kapag pinindot mo ang shift f7 sa pagitan ng mga letra ng "suggest", sasabihin ng microsoft word na magsingkahulugan ang dalawang termino. puwede rin ang propose, put forward, hint, imply, call to mind at isang dosena pang mga pampalit na termino.  ni-recommend mo man o hindi pero nag-suggest at nagbigay ka ng ideya… ganoon din 'yun. walang kaibahan.
    
at kung hindi ba naman tunggak ang isang ito, hindi ito ang sinuggest kong topic sa simula ng diskusyon sa kumbensyon noong marso. ginawa na raw 'yung suggestion ko dati at baka mayroon pa raw na ibang paksa. sa anumang sitwasyon, kapag tinanong ka kung "meron pa bang iba?", ibig sabihin nito'y di nagustuhan… hindi ba? kaya isip tayo ulit… pero iba ang audience dito, di maaaring masyadong teknikal. kaya ang sabi ko, sabihin mo sa akin kung ano ang napipisil mo at maaaring dito tayo humukay ng alternatibo. dito na nga niya binanggit ang tungkol sa pasimulang teknolohiya, na siyempre'y ginawa kong "nakagugulong" teknolohiya dahil ito ang terminong ginagamit sa amin. at ito ang kinauwian ng kabuuang approach at tema.
   
hindi ka ba masaya na maski minsan sa buhay mo ay may naisip kang ideya at nirekomenda mo ito? ariin mo ang rekomendasyon at dapat mo itong ipagbunyi, tiyang… ibig sabihin maski paano'y gumagana pa rin naman ang kalamnan sa bungo. at uulitin ko, hindi magkaiba ang recommend at suggest.


No comments: