Friday, December 29, 2017

ang larawan

mahusay, mahusay at mahusay!

magaling ang mga nagsiganap lalo na sina joanna ampil, rachel alejandro, nonie buencamino, menchu lauchengco-yulo… pero pinakapaborito ko si robert arevalo.

mahusay ang disenyong pamproduksyon at iba pang teknikal na aspeto. epektibo ang mga close-up shots at ang tila nakakahong pagsasalarawan sa mga karakter.

may mga linyang mas maigi sana kung pasalita na lamang at may mga porsyon na tila nasawata ng iskor ang emosyon. pero sa kabuuan, mahusay pa rin ang musika at libretto ng ang larawan.

damang-dama ng manonood ang masidhing pagmamahal, sa sining at sa obra ni nick joaquin at ang salin ni rolando tinio, ng mga tao sa likod ng pelikulang ito. mabusisi ang produksyon at talaga namang pinaglaanan ng panahon, kuwarta at pagsusumikap na ito ay maitanghal.

isa itong pagtangis sa lumipas na panahon at sa pangangailangang umagapay sa pagbabago at pagsaklaw ng makabagong pamumuhay. malinaw na isa itong lamentasyon sa sining at pagkalimot ng marami sa mga tao rito. lamentasyon din sa pagsupil sa kalayaan bunga ng pananakop. at higit sa lahat, panaghoy ng mga taong nananahan pa rin sa nakaraan at pilit na pinipigilan ang pag-inog ng mundo… contra mundum nga ba o kontra lamang sa di ayon sa iyong pansariling pagpapahalaga at panlasa?  

marami-rami rin ang kasama kong nanood sa waltermart at ito ay mabuting senyal na kapag dumami ang mga ganitong pelikula, dadagsain din ng mga pinoy ang mga sinehang magpapalabas ng mga pelikulang gaya ng ang larawan.
 



No comments: