Saturday, December 23, 2017

regalo at "muling regalo"

panahon na naman ng regalo, pagbibigay nito, pagpapalitan at siyempre, lahat ng usapin at mapaghuhuntahan tungkol dito. bahagi na kasi ng kapaskuhan ang regalo, aginaldo o anumang pakimkim sa mga mahal sa buhay o anupamang kapisanan. at sa tuwing darating ang panahong ito, nagkakandarapa ang mga tao na sumumpong ng anumang maibibigay sa mga inaanak at sa lahat ng kapamilya, kamag-anak, kaibigan o katrabaho. at siyempre, nariyan na naman ang pagreresaykel o “muling regalo”, pagreregalong muli sa mga natanggap na regalong di gaanong gusto at ang paistaran sa balutan pero ang laman ay walang anumang wawa!

walang masama sa pagreresaykel ng mga regalo. maigi nga ito dahil mapakikinabangan ang mga bagay na di mo naman talaga mahanapan ng gamit sa iyong sariling buhay. marami rin ang mga pagkakataong nadodoble ang mga natanggap kaya ok lang na muling iregalo ang mga ito. tulad na lang kung puro tasa o flask ang natanggap, di naman magagamit ang mga ito kaya dapat na rin itong ibigay sa iba. pero mahalagang huwag nang magpasikat tungkol dito, higit na mainam na maging tapat na ito’y natanggap mula sa iba at dahil may ganito ka na, ibibigay mo na lamang ito kaysa naman masayang. di rin kailangang ito ay ibigay sa kapaskuhan. mas matutuwa pa ang bibigyan ng niresaykel na regalo kung ibibigay ito bilang “just because gift”, lalo na nga’t batid mong nais ng taong ito ang aytem na niregalo sa iyo pero di mo naman talaga magagamit. huwag magkunwaring binili mo ito o ibalot pang muli. lalo ka lamang nagiging tsip kapag ginawa mo ito.


kapag ikaw ay nagregalong muli ng isang regalo o nagresaykel nito, siguraduhin mo ring wala sa magkaparehong sirkulo ang mga taong nagbigay sa iyo ng regalo at ang taong tatanggap ng iyong niresaykel na regalo! hilakbot sa kahihiyan ang idudulot nito at siguradong mawawalan ng gana ang taong nag-abot sa iyo ng regalong niresaykel mo. tandaan, matindi na ang saklaw ng social media at tiyak kaysa sa hindi, magkakaalaman ang mga taong nagbigay at binigyan ng niresaykel mong regalo. isang post lang sa facebook, utas ang iyong dangal! mainam na maghintay ng ibang buwan bago magresaykel at siyempre huwag gamitin ang aytem o alisin ang tag.  

siyempre, di rin dapat iresaykel ang anumang pinersonalisa para sa iyo. kung may burda ng iyong pangalan o dinikit na kung ano sa aytem, di na ito dapat pang muling iregalo. tastasin mo man ang sinulid na binurda o bakbakin mo man ang dikit, di maikakailang para sa iyo ito. isipin mo na lang ang pagbabaka ng nagbigay sa iyo ng regalo upang mabigyan ka nito tapos ireregalo mo lang ulit!

sa loob ng buong taon, marami-rami ring mga natatanggap mula sa mga pa-giveaway ng mga kung sinu-sino. lalo na sa kapaskuhan, maraming mga kumpanya ang namimigay ng mga aytem bilang pasasalamat o bahagi ng kanilang mga promosyon. ngunit ang mga ito ay may tatak na pangalan o logo ng kani-kanilang mga kumpanya. siyempre, ginastusan nila ito at nararapat lamang na maging kasangkapan ang mga ito upang magpalawig ng branding ng kanilang produkto o serbisyo. tandaan… ang mga ito ay di dapat ibalot o ilagay sa magarang paper bag at ibigay bilang pamaskong regalo! ang mga ito ay dapat na iabot sa ibang panahon at di na dapat pang ipangalandakang regalo dahil binigay lang din naman ito sa iyo ng libre! kapag pasko (o anupamang ispesyal na okasyon), mas ispesyal ang regalo dahil nga ibinibigay ito bilang bahagi ng diwa ng pasko. sa sandaling tumalikod ka sa inabutan mo ng corporate giveaway bilang pamaskong regalo, asahan mo na ang ismid at pagkasura ng taong inabutan mo nito. sadya kasi itong pang-uuri ng tao at tiyak na mabubura ang anumang mabuting intensyon. muli, maging tapat sa taong bibigyan ng aytem… wala namang mawawala kung magsabing, “uy may mga ganito ako rito, baka gusto mo… kuha ka na lang.” mas magagalak pa ang taong bibigyan ng mga giveaway kaysa ibalot pang muli ito sa pamaskong balutan.

isang kardinal na pagkakamali rin ang muling magregalo ng anumang bagay o aytem na ginamit na. o ang muling pagbabalik ng tag sa bagay na napakinabangan na at pagbabalot dito bilang pamaskong regalo. ano ba naman? taluktok na yata ito ng imbi at saliwang pag-uugali tungkol sa pagreregalo. halimbawa sa damit o anumang kasuotan, ginamit na at dahil nakasawaan o siguro naisip na makatitipid, dadampot sa kabinet ng alinman at ibabalot ito… hindi ba ito salaula? ang nakabubuwisit pa rito, ibabalik ang tag kuno, lalabhan at ilalagay sa magarang balutan. ay sus! tandaan… may tiyak at partikular na amoy ang damit na bagong bili at di pa nagagamit. maski ang pinakamahirap o bobong tao ay alam ang amoy na ito. kapag nag-abot ng damit, kahit pa may tag, alam ng tao kung ito ay bago o ginamit na at niresaykel. kung gamit na ang bagay, damit man ito o anupaman, huwag na huwag na muli itong iregalo. kung di na magagamit ang mga damit, idonasyon na lamang ito sa mga kapuspalad. kung maayos pa naman, ibigay na lamang ang mga ito sa mga kapamilya o kamag-anak, di bilang pamaskong regalo, kundi sa ibang ordinaryong panahon. ang mga bagay lamang na “gamit na” pero maaari pa ring muling iregalo ay alahas, antigong mga bagay o mana’t manang gamit (heirloom).      


pakatandaan… di maitatatwa ng anumang mamahaling balutan o paper bag mula sa kung anu-anong establisyimento ang niresakyel na regalo. huwag nang ibalot ang mga ito at ibigay bilang pamasko. maigi pa ring ibigay ang mga ito pero sa ibang panahon, hindi tuwing pasko, at malaki ang maitutulong kapag naging tapat tungkol sa mga ito. sa halip na matuwa ang taong tatanggap ng iyong niresaykel na regalo, abot langit pa tuloy ang matatanggap mong kapintasan mula sa mga ito. siyempre, di naman harap-harapang magsasalita ang mga inabutan ng niresaykel na regalo ngunit siguradong bumaba ang pagtingin ng mga ito sa iyo.

marami naman kasing paraan upang makapag-abot sa mga tao tuwing kapaskuhan at di kinakailangang magbigay ng niresaykel na regalo o anumang bagay na nagamit na. una, uso na ang pangmaramihang pare-parehong regalo. maging pagkain man ito o anumang maliliit na aytem. mura ang magpagawa ng homemade na pagkain kung marami ka rin lang naman oorderin. mula sa peanut butter, spanish sardines, graham balls, chili paste, garlic chips at napakarami pang iba… ang lahat ng ito’y swak sa badyet dahil sa bawat isang reregaluhan, di pa lalagpas sa sandaan ang magagastos sa isang maliit na garapon. talian ng lasong pamasko, ayos na ang pangregalo mo. di mo pa kailangang mag-isip ng bawat aytem para sa bawat isa… tipid sa pera at tipid din sa pagsusumakit na makipagsiksikan sa mga pamilihan. siyempre, puwede ring mag-eksperimento ng anumang pagkain at ang pinersonalisa mong ito ang ibigay.  

pangalawa, ang anumang pinagbuhusan ng panahon ay tiyak na ikalulugod ng taong niregaluhan. may isa akong kakilala na ang regalo sa kapasukahan ay punda ng unan. oo, punda lamang ng unan. pero pinapersonalisa niya ito, bawat pamilya o indibidwal ay may burda ng mga pangalan nila sa bawat isa sa tatlo o apat na punda ng unan na kanyang binungkos bilang pamaskong regalo. nakatutuwa ito at talagang pinaghandaan. nakatipid pa siya dahil namili sa divisoria at nagpaburda na rin sa banda roon. wala pa sigurong 150 ang nagastos sa isang bungkos.


pangatlo, puwede ring mamigay ng mga online voucher o gift cards. kung nagtitipid, maaaring para sa isang pamilya na ang isang voucher na medyo mataas ang halaga. di na kailangan pang regaluhan ang bawat miyembro ng isang pamilya.

at siyempre, walang masama sa pagse-set ng badyet para sa mga reregaluhan. mahirap ang buhay at mauunawaan ng sinuman kung ang halaga lamang ng iyong ibibigay ay 200 piso o mas mura pa rito. sangkatutak ang mga bazaar bago pa man dumating ang kapaskuhan at sa lahat ng mga tiangge ay tiyak na may masusumpungan kang mura, maganda, kaaya-aya at di mo na kailangan pang magbigay ng gamit na o ng mga corporate giveaway.  

sasabihin kong muli, lalo ka lamang mawawalwal kapag nagresaykel ng regalo gayong marami namang paraan upang makapag-abot maski paano. anupaman ang dahilan kung bakit kailangang magresaykel, kesyo nagtitipid o naipon na ang mga bagay-bagay sa bahay, di ito dapat maging motibasyon upang magbalot ng regalong gamit na o niresaykel basta-basta. kung magbibigay man ng resaykel, huwag na itong ikubli sa mamahaling balutan. alalahanin ding marami-rami rin ang mga institusyong maaaring handugan ng mga bagay na natanggap ngunit walang saysay sa iyong bahay o buhay. kaysa iregalong muli, ibigay na lamang sa mga bahay ampunan o aktibidades ng mga NGO.


oo nga’t mabuti ang pagreregalo at paghahanda upang makapag-abot sa sinuman. ngunit kapag saliwa ang paraan, nabubura ang anumang mabuting hangarin dahil nawawalan ito ng saysay sa inabutan ng regalo. di rin naman ito nakapagdudulot ng anumang galak o tuwa sa niregaluhan at bagkus, inaayudahan mo pa silang sumambit o mag-isip ng mga bagay na di kaaya-aya.

kung magreresaykel o magbibigay ng bagay na gamit na, mas maigi pang huwag na lamang magregalo bilang pamasko. may tamang panahon sa mga resaykel na mga regalo at ito ay hindi ang kapaskuhan.

meri krismas!

No comments: