Saturday, December 30, 2017

flyover

minsan isang gabi
pauwi mula sa bidyisi
sakay ng uber na malataksi

habang naiipit sa trapikong mabigat
nag-aagaw ang araw at gabing marapat
sa ibabaw ng flyover na malapatapat

sumagi sa isip ang mga mahal
dumaiti ang kanilang mga mukhang mariringal
sumuot sa puso ang pag-ibig nilang pampawi sa katawang pagal

humayo na ang aming mga magulang
tinawag na sa kaharian ng maylalang
baon ang aming pag-ibig at parati silang nariyan lamang

buo kaming anim na magkakapatid
kasama si tita jo at sampu ng aking mga pamangkin na tuwa’y hatid
nagsipaglakihan na’t sa pagdaan ng panaho’y lalong tumitikid

paminsan-minsan may sulirani’t di pagkakaunawaan
dumarating ang mga araw na may tampuhan
o karaniwang pagdaramdam na mangilan-ngilan

sa huli, kami pa rin ang anim ni judith at roberto
pinagbigkis ng pag-ibig na hinulma ng tamang timpla’t panuto
magkakadugtong ang pusod, kapatid at kapatid, sandaang porsyento

dumaan man ang hilahil at maipa man ang palay
walang anuman ang sa amin ay makapaghihiwalay
mananatiling matingkad ang pag-ibig mula sa bawat isa’y sumisilay

dalangin sa maykapal ang bawat isa’y tuwinang ipag-adya
ilayo sa anumang kapahamakan at makamit ang ikasisiya
nawa’y pagpalain ang aming bagong taong nagbabadya

sa gitna ng trapik na tila di na gumalaw
nakatatawang may luhang dala ng tuwa ng mag-anak ang sumungaw
napahunta tuloy sa drayber tungkol sa buhay pamilya at mga sabaw!

No comments: