Wednesday, December 20, 2017

silog

sinuman ang nakaimbento ng silog o kumbinasyong sinangag at pritong itlog ay isang paham! walang sinumang makatatanggi sa makalangit na panghalina ng silog. sa anupamang porma nito – tapsilog, tocilog, bangsilog, porksilog, chicksilog, hotsilog, longsilog, malingsilog, hamsilog – iisa lamang ang dulot nito… busog na sikmura at maligayang damdamin.

tila ibinabalik ka ng silog sa mga araw na may pasok ng napakaaga at tanging silog lamang ang magiging laman ng iyong sikmura. totoo ito para sa akin, lalo na noong pang-umaga ako sa nagkaisang nayon o noong buong apat na taon sa novaliches high. sinangag at pritong itlog, dagdagan pa ng anumang mayroon sa kusina tulad ng longanisa o tocino, buo na ang araw ko. swak sa tiyan ang silog – masarap, payak at mabilis kainin… tamang-tama sa mga nagmamadali o naubusan ng panahong maghanda at sa mga taong walang maisip lutuin o naubusan na ng ideya.

ang malinamnam na sinangag… iginisa sa maraming bawang at magkaminsa’y nilalahukan ng hiniwang hamon ay maiging pares sa pritong itlog at anumang karne. una na riyan ang tapa, sasamahan pa ng suka o di kaya’y atchara. nariyan din ang tocino at kung anu-ano pa. may mga bago pang kumbinasyong nadagdag sa mahabang listahan ng paboritong ito ng mga pinoy! tulad na lang ng cornsilog (corned beef), siosilog (siomai), sharksilog (sharksfin), lumsilog (lumpia), sisilog (sisig), adosilog (pork or chicken adobo), chosilog (chorizo), tilasilog (tilapia), lechsilog (lechong kawali) at marami pang imbensyong tanging mga pinoy lamang ang makaiisip dahil ito’y taal na pagkaing pinoy.   

sa ngayon, nagkalat ang tapsilugan sa makati at sa buong pilipinas. di ako makatanggi sa malimit na paanyaya nito sa akin sa tuwing ako ay daraan sa estrella o kaya sa pasong tamo… pati nga sa dating puwesto nila ate baby ay may tapsilugan na. pero mas madalas ay sa seks (sinangag express) ako napapadpad. mura, masarap at nakabubusog… panalo ang silog!

o silog, di ka gaanong masustansya at magkaminsa’y mamantika. pero wala kang katulad. ibang baitang ang dulot mong pawi sa gutom. at higit sa lahat, nauunawaan mo ang likaw ng bituka at panlasa ng mga pinoy.

isa pa pong silog, ate!




No comments: