Wednesday, December 5, 2012

confessions

paalis na si yuko moriguchi sa eskwelahan kung saan siya nagtuturo. ngunit bago siya umalis, nagbigay siya ng isang mahabang talumpati sa kanyang klase tungkol sa halaga ng buhay. ito ang simula ng kokuhaku o confessions, isang katangi-tanging pelikula mula sa japan. ang kokuhaku ay tungkol kay moriguchi, isang naghihinagpis na ina at kung paano niya naisakatuparan ang isang balighong paghihiganti sa mga taong maysala sa pagpatay sa kanyang anak na si manami. kumpisal din ito ng iba’t ibang mga nilalang na sangkot, direkta o sanga-sanga lamang, sa pagpatay.

sa kanyang talumpati, isiniwalat ni moriguchi na ang pagkamatay ng kanyang batam-batang anak ay di bunga ng aksidente kundi isa itong intensyunal at maitim na balak ng dalawa sa kanyang mga estudyante. binunyag niya ang mga pangalan nito at higit sa lahat sinabi rin niya kung paano niya plano maghiganti sa mga ito dahil di rin naman sila maparurusahan ng batas bunga ng kanilang mga edad – sa pamamagitan ng paghalo ng dugo ng taong may AIDS (mula sa kanyang asawang nagkaroon namatay sa sakit na ito) sa pinainom niyang gatas sa dalawang ito. pumapasok pa rin si shuya watanabe, ang utak sa pakanang ito, nang may bagong gurong humalili kay moriguchi habang nagkaroon ng sakit sa pag-iisip si naoko shimomura, ang kanyang kasapakat. nalantad din na hindi namatay sa pagkakuryente ang batang si manami kundi nalunod ito pagkatapos ihagis ni naoko sa swimming pool. lumitaw din na sinadya ni naoko na tuluyan nang patayin si manami upang may patunayan kay shuya, ang kanyang tanging kaibigan. bunga ng pagkasira ng isipan ni naoko at kawalan ng pag-asang gumaling pa ito, tinangka ng kanyang ina na patayin si naoko ngunit napatay ni naoko ang sariling ina.

sa kabilang banda, may sariling pakikihamok din ang matalinong si shuya. inabandona siya ng kanyang ina pagkaraan ng mahabang taon ng pang-aabuso upang maisakatapuran ng ina ang kanyang ambisyon. upang makuha ang atensyon ng ina, gumawa si shuya ng samu’t saring mga imbensyon hanggang sa manalo siya sa isang patimpalak. ngunit natabunan ito ng mga balita tungkol sa lunacy murders kaya’t naisip ni shuya na pumatay upang ma-front page siya sa mga pahayagan. ito na nga ang naging mitsa ng pagkamatay ni manami. dahil sa mga ibinunyag ni moriguchi, naging biktima si shuya ng pambu-bully hanggang nagkaroon sila ng relasyon ni mizuki kitahara. kinompronta ni mizuki si shuya tungkol sa pagkakaroon ng oedipal complex na humantong sa pagkakapatay ni shuya kay mizuki. inilagak ni shuya ang bangkay ni mizuki sa refrigerator.

binalak ni shuya na dalawin ang ina ngunit ito’y nag-asawang muli. sa kanilang pagtatapos, nagtanim ng bomba si shuya at pasasabugin ito sa gitna ng kanyang talumpati tungkol sa buhay upang patayin ang sarili at kanyang mga kamag-aral. ngunit walang pagsabog na naganap. pagkatapos masabihan ni mizuki tungkol sa mga plano ni shuya, inilipat ni moriguchi ang bomba sa opisina ng ina ni shuya kung saan ito sumabog. sa huli, ito ang higanti ni moriguchi kay shuya at ayon sa guro, simula na ito ng pagtubos ng mga kasalanan ni shuya.    

mabigat sa pakiramdam at may kung anong bagabag ang dulot ng pelikulang ito. madilim ang tinahak nito mula umpisa hanggang wakas. di mo alam kung kanino ka makikidalamhati dahil sa bawat katapusan ng isang kumpisal, lumilitaw na naging biktima rin ang bawat isa at maaari ring makisimpatya sa mga karakter na ito. nakababagabag ang pelikula dahil buktot nga ang walang pusong plano nina shuya at naoki na maging tanyag mula sa pagpatay sa isang inosente kaya naman kauna-unawa ang aksyon ng ina na maghiganti. ngunit mabigat ding isipin na malupit ang orkestradong pamamaraan ng paghihiganti ni moriguchi na nagresulta sa iba pang krimen. ang kasisising mga naging akto ng mga karakter at mga moralidad o kawalan nito ay nagdagdag ng panglaw at pakiramdam ng pagkabigo. ang nakababalisang tunggaliang ito ang ekspertong panghalina ng kokuhaku ni tetsuya nakashima. may tamang reyalismo ito at wastong agos ng istorya dahil sa pagpapalit ng punto de bista ng mga aktor. bagay din ang monotonong tunog at musika sa morbidong tema. mahusay ang restrandong pagganap ni takako matsu bilang moriguchi at ng mga kabataang nagsiganap. akma rin ang dilim ng sinematograpiya sa pusikit na panagano.

kung ang nais mo’y isang maaksyong istorya ng benggansa, hindi ito ang pelikula para sa iyo. ngunit kung isang mahusay na naratibo na may panghihilang mag-analisa at umusisa sa mga pansariling pagpapahalaga ang gusto, dapat mong mapanood ang kokuhaku.

No comments: