Tuesday, December 4, 2012

paninindigan

malkontentado raw ang bungang-ugat dahil sa pagtanggi ko sa presentasyon ngayong buwan. maraming beses na raw ang eksplanasyong ginawa pero tinanggihan ko pa rin. baka di niya naaalalang sa lahat ng pag-uusap, binanggit ko na rin ang aking pagtingin sa bagay na ito… di na ako ang dapat pang mamroblema sa bagay na ito dahil di na ako makikita ng bumili sa mga susunod na pagkakataon. ano ba ang mahirap intindihin doon? hindi dahil napagpasyahan na ng lamanlupa ay bibirada na ang plano.

sa tagal ko na rito, alam kong kapag di ako tumanggi, ako mismo ang unang di magiging masaya. maraming beses na ring pumayag ako sa isang plano na salungat sa tunay kong nararamdaman. at sa lahat ng pagkakataong ito, laging may pagsisisi. sa pagpayag sa gusto niyang mangyari, ilalagay ko lang ang sarili ko sa isa pang kumunoy na magpapalubog ng anumang kasiyahang kaakibat ng kapaskuhan. bukod sa milya, wala ring anumang bonggang idudulot ang planong ito sa akin sa kalaunan. simbilis ng paglayas ng ibang tao, malilimutan din naman ng mga bumili ang pangalan ko. kaya naman buong paninindigan kong sinabing hindi. para saan pa ang dakilang pagsusumakit kung saka-sakali?

hindi porke sanay ang mga tao sa kanyang panggigiit ay maaari nang tanggapin ang anumang kapritso mula sa kanya sa lahat ng pagkakataon. kailangang may manindigan. ito ay upang maunawaan din ng lamanlupa ang kanyang baluktot na istilo ng pangangasiwa at pakikitungo sa mga kapangkat. sa gayon, may mabago ang mandragora maski paano. may pag-asa pa naman, lalo na nga’t magkaminsa’y inaamin din niyang mabigat siyang katrabaho kahit na nga sarkastiko ang dating nito.

No comments: