baligho at
ganap na ridikulo ang pag-iisip ng ilang kasapi ng kapariang katoliko. maging
ang kalamidad sa mindanao dala ng bagyong pablo ay iugnay ba naman sa nagaganap
na debate tungkol sa RH bill! naganap daw ang delubyong kumitil sa buhay ng di
bababa sa 400 sa iba’t ibang mga lalawigan sa mindanao dahil pagsusulong ng mga
maka-RH na ipasa na ang nasabing panukalang batas sa kamara’t senado bago
matapos ang disyembre. ano kayang uri ng lohika o doktrina ang pinaiiral ng mga
iresponsableng mga paring ito?
katoliko
ako. magmula nang lumipat ako sa san antonio, naging madalas na rin ang
pagsisimba ko tuwing linggo sa parokya ng banal na puso ni hesus. may mga ilang
pari na rin ang nangahas na tumalakay sa usaping RH pero sa tuwing magaganap
ito, di ko maiwasang mapabuntung-hininga at hilingin sa Diyos na sana’y matapos
na ang homiliya ng pari. para sa akin, hindi ang pulpito ang tamang entablado
upang magsulong ng pulitikal na paninindigan ng simbahan. kung nais nilang makialam
at panatilihin ang kanilang impluwensya sa sayki ng mga pinoy, lumitaw na lang
sila sa mga programang pandebate sa telebisyon at radio. nauunawaan ko ang
kanilang paninindigan at ang hangaring manatiling makabuluhang institusyon sa
lipunang pilipino. ngunit ang humabi ng mga kabaliwan at salungat sa katwiran
ay patunay lamang ng pagiging desperado’t walang kapanagutan sa mga
kapwa-pilipino, lalo na sa mga nasalanta ng bagyo. kaysa bumalik sa paurong na
pananakot tungkol sa “parusa” ng Diyos tulad ng ginawa ng mga prayle noong
panahon ng mga espanyol, bakit hindi na lang nila ituon ang atensyon sa
pagtulong sa mga nawalan ng bahay at ari-arian at mga nangamatayan? anu’t
anuman, ang simbahan ang isa sa may pinakamalalim na kaban sa maraming
institusyong panlipunan.
ang
delubyong naganap sa mindanao sanhi ng bagyong pablo ay bahagi ng makabagong
suliraning dala ng pagbabago ng klima. ang mga nasawi’t matinding pinsala sa
mga ari-arian ay dala ng walang habas na paglapastangan ng tao sa kalikasan,
lalung lalo na sa kagubatan. hindi ito bunga ng anumang bagsik ng Maykapal or
parusa sa mga taong wala namang direktang kinalaman sa nagaganap na debate at
pagmamani-obra ng mga maka-RH sa senado’t kamara. bumalik sa kaibuturan ng
usapin, makipagdayalogo at tumigil na sana sa pagbibitiw ng mga iresponsableng
hirit ang ilang mga pari.
No comments:
Post a Comment