ang ibang tao nga naman. nakapag-abot lang ng ilang daan, mamagkanuhin na ang lahat. nagbigay lang ng relif, pakiramdam ay hulog na ng langit. natakbuhan lang minsan dala ng biglaang pangangailangan ng ilan, may primyum na agad. nagdonasyon lang ng bigas, malakas na ang loob na manghimasok sa buhay ng maybuhay. nagpaabot lang ng isang kilong manok, mataas na ang ihi. nanlibre lang sa pipitsuging kainan, may apog nang umisteytment kung sino ang dapat tumulong kanino.
salamat sa anumang naiabot sa iba. salamat talaga. salamat daw. pero di ito nangangahulugang primyumado ka na at may lisensya ka nang magbitiw ng kung anu-anong mabalasik na mga salita. di dahil nagbigay-tulong, puwede nang yurakan ang pagkatao ng iba. oo nga’t nakatutulong magkaminsan, pero tama ba ‘yung isiksik sa isip ng natulungan na may utang na loob na sila sa iyo? ano ka, pulitiko? sino ka ba sa tingin mo?
kung taal kang intelehente, tulad ng nais mong maging tingin sa iyo ng iba, dapat ay naisip mong anumang magandang gawi ay nabibiyayaan sa ibang paraan. di ito dini-demand. dapat na walang pangungunsensya sa iba na ibalik ang pabor na ibinigay mo. umiinog ang mundo at nakikita ng uniberso ang mabubuting punyagi. di ka ba nagtataka kung bakit di kayo nakukunsidera sa listahan ng mga well-loved o maski well-liked? lahat ito ng panig, maging kamag-anakan, kaibiganan, sa mga kakilala o sa kung saan nakatirik ang pader ninyo.
sobrang masuwerte ka lamang sa buhay dahil naiwanan ng maalwang kabuhayan. kabuhayang di naman ikaw ang nagpunyagi. nagkataon lang na ipinanganak sa isang pamilyang nagkaroon na rin dati pa. tunggak na lamang ang di makapagpapatuloy ng hanapbuhay na tulad niyan. buti sana kung alam mo ang buhay ng isang nagsimula sa wala. pero hindi. isinubo na lang sa iyo ang anumang mayroon kayo ngayon. lahat kayo. ni walang klu sa pinagdaanan ng iba, kung kaya’t walang anumang karapatang umariba at umisteytment. dapat mo itong isaksak sa kukote mo dahil isa ka lang malaking sabit at di totoong bahagi ng higit na malalim na ugnayan.
alam ng marami, maging ng sarili mong lipi at malalapit sa iyo, ang pawis mo’y amoy inggit. numero uno sa inggitan. di naiba sa ibang mga utak-talangkang kamag-anakan. bunga ba ang lahat ng pag-iisteytment mong ito ng di maipaliwanag na inggit? sabagay, masaya kasi sa aming dako. bagamat may kakulangan sa kaperahan, walang pataasan ng ihi o anumang suklamang tulad ng sa inyo. oo nga’t may di pagkakaunawaan, pero ang lahat ng ito’y dumatal lamang nang umeksena ka na. sabi nga nila, nangyayari raw ang lahat ng bagay dahil ang lahat ng ito’y may rason. nangyari ang anumang nangyari upang mabalatan ang tunay mong pagkatao. pagkataong madawag at di katiwa-tiwala. panibugho ang almusal. imbing poot ang tanghalian. pagpiprimyum sa sarili ang merienda. tangerks na persepsyon ng sarili ang hapunan.
ang mga taong di marunong makipagkapwang tulad mo ay higit na nakapandidiri kaysa sa mga taong-kalsadang nanlilimahid. manahimik ka na lang sa lungga mo, buwisit. diyan ka lang nababagay.