Tuesday, June 9, 2015

putik sa putik

simula na nga ng ekstrabagansang hatid ng eleksyon. mas matindi pa sa pinagsama-samang timpalakan ang impak ng eleksyon. higit na mahaba rin ang pagtutok dito kaysa sa mahabang pagdiriwang ng mga pinoy ng kapaskuhan. mantakin mo naman kasing 11 buwan pa ang eleksyon pero samu't saring patalastas na ang nakabalandra sa mga telebisyon. mas marami pa ang mga patalastas na ito kaysa sa mga pahatid-produkto ng ibang malalaking kumpanya.

nanguna na rito ang ambisyosong alan peter cayetano. parang simula pa nga lang ng 2015 ay mayroon na itong mga pahaging. mensahe ng anumang nagawa raw niya sa taguig ang kanyang pabalat dahil asawa niya ang alkalde ng lungsod. pero di kaya niya naisip na di ito magandang mensahe? senador si cayetano kaya hindi ba dapat na ang kanyang ibalandra ay pambansang mga konkretong proyekto na kanyang nagawa? kunsabagay, wala raw kasing masyadong nagawa ang nakababatang cayetano sa pagbabatas kumpara sa kanyang ate. sabi pa nga ng isang komentarista sa radyo, sa halos dalawang dekada nito sa senado, iilan lamang ang naisabatas nito kaya isa siya sa mga walang kapararakang senador ng lipunan. baka rin ginagaya ni cayetano ang "ganito kami sa makati" na dayalog ni jojo binay. pero wala ba siyang maisip na mas orihinal?

nasipat ko rin ang patalastas ni sherwin gatchalian. di ko maalala ang mensahe nito pero umikot yata ito sa edukasyon. di ko maalala kaya ang ibig sabihin nito ay wala itong sustansya. mayroon na rin si isko moreno. hinaylayt naman nito ang kanyang pagiging mahirap at "pagsusumikap" upang makaahon sa buhay at maging isang simpleng tagasunod ni erap at alfredo lim. may mga pahaging na rin si ping lacson. bagamat di pa tuwirang tinukoy ang kanyang pangalan, sa "pagiging matuwid at may kasanayan" nakasentro ang kanyang patalastas. kailan kaya siya lilitaw sa mga ad na ito?

kahit di pa nga niya inaaming siya ay kandidato sa pambansang lebel sa 2016, gumugulong na rin ang mga palatak ni rodrigo duterte. akma ang pagbebenta tungkol sa lungsod ng davao, ang kaayusan at kaunlaran nito. sa tagal at sa pinaggagawa ni duterte rito, swak ang mensaheng maaari niya rin itong magawa sa buong pilipinas. ngunit ang paglalabas ng patalastas sa tv ay salungat sa laman ng kanyang mga interbyu na di wala siyang balak tumakbo sa panguluhan sa 2016. imposibleng di niya batid ang mga ad na ito o di man lang kilala ang mga tao sa likod nito.



maaga pa nga. sa oktubre pa lang ang simula ng pagsusumite ng kandidatura. kung tutuusin, bawal nga ito sa batas. bawal ang maagang pangangampanya. pero sadyang maraming pinoy ang pilosopo at sadyang babaluktutin ang batas makapagkampanya lamang.

samu't sari na rin ang hagisan ng putik. sangkatutak ang ibinabato sa tinaguriang magnanakaw na si jojo binay. kaya siguro wala pa itong patalastas dahil sa dami ng ipinupukol dito. ni hindi nga ito nagpapakita sa publiko at ipinauubaya sa tagapagsalitang si toby tiangco at mga anak na abigail at nancy ang pamumulitika't pambabatikos sa ibang potensyal na kalaban sa 2016. sa dami ng isyu sa kanya, wala pa itong tuwirang sinasagot at puro karuwagang sagot na "pinupulitika lamang ako". kung tunay ang kanyang hangarin at malinis niyang nakamal ang kanyang kayamanan, bakit di niya ilabas sina eduviges baloloy, line dela pena at bernadette portallano? walang patumangga ang batikos ng kampo ni binay kay mar roxas at lp na kanyang itinuturong may kagagawan sa pagsambulat ng mga kontrobersya tungkol sa kanya. maging ang dati nang kaalyadong si grace poe ay kinuwestyon ang kwalipikasyon sa pagtakbo bilang pangulo o pangalawang pangulo.

sa mga meme sa facebook, magnanakaw ang bansag kay jojo binay habang mamamatay-tao si duterte. ampon si grace po, habang baliw naman si miriam santiago. mamamatay-tao at bakla si ping lacson habang palpak naman si mar roxas at pulpol si alan cayetano. sangkatutak na mga pintasan, hanapan ng baho, siraan at pagpapalitan ng maaanghang na mga bintang – ito ang labanan ng pulitika sa pilipinas. ni walang banggit ng mga tunay na isyu ng bayan. maaga pa nga pero singtindi na ng sikat ng araw ang bangayan at putik sa putik na labanan. at siyempre, lalo lang itong titindi sa pagdaan ng mga susunod na buwan.
      
simula na nga ng pestibal ng mga pulitiko. o mas naaayong tawaging peste-bal. dapat na magbantay ang bayan at matamang magsipagsipat laban sa mga tatakbong matagal nang nangangalunya sa bayan at walang mabuting hangarin para sa bansa. 'wag hayaang maghari at magkaroon ng pagkakataon ang mga peste.

No comments: