kapag nasa biyahe o anumang lakad ako, isa sa pinakainaabangan ko ay maka-spot ng mga nakatutuwang eksena sa bawat lungsod o bayan na aking napupuntahan. kahit anong kakaiba o nakakikilig, lalo na ang mga kakatwa, kailangang mapiktyuran ko ang mga ito. siyempre, maging ang mga tagos sa damdaming mga eksenang titimo sa iyong isipa'y dapat na makunan ng litrato. kaya naman dapat laging handa ang aking telepono o ang aking mumurahing digicam!
isa ang aming biyaheng japan sa mga lakbay na maraming snapshot ng mga ganito. mula sa hakone, sumakay kami ng tren paakyat sa gora, japan. mula rito, nag-cable car upang masulyapan si fuji-san. nakita ko ang bundok ng sulfur mula rito at nag-bus ulit patungong lake ashi. mula rito, sumakay kami ng bapor upang malakbay ang lake ashi at makita ang hakone shrine. mahaba-haba rin ang aming nilakbay para makarating sa kabilang pampang ng lake ashi at nang makarating ay naglakad-lakad upang makapagpapiktyur sa shinto gate ng hakone.
pabalik sa pier, naispatan ko ang dalawang lolo na ito. mukhang malalim ang kanilang mahinang pag-iistoryahan. may kung anong taimtim na pagtatalamitam ang dalawa at banaag ito sa malayong pagtanaw sa kalawakan ng lawa ng ashi. kahit na nga tanghaling tapat at mataas na ang arawa, matagal ang pag-upo ng dalawang matanda at di ko ito pinalampas! pasimpleng tumayo sa kanilang likuran, kumuha ng magandang anggulo, kaunting paghilig sa kanan, at nakuha na ang mga larawan.
marami ang sinasabi ng larawang ito. maaaring pananariwa ng nakaraan o di kaya ay pagbabalik ng mga masasakit na karanasan. maaari rin namang nagkasumpungan lamang ang dalawa at naisip na maghuntahan sumandali o binalak talaga nilang magkita at umistambay sa nakahahalinang kapayapaang dulot ng lawa ng ashi. anu't anuman, maski ako ay nakatagpo rin ng aliwalas at panatag na damdamin dahil sa tanawing ito.
sabi nga ni varys, "friends are such important part of life."
No comments:
Post a Comment