Thursday, April 12, 2018

saradong boracay

tulad ng napakaraming hakbang ng gobyernong duterte, wala ring anumang malawakang plano ang pangulo ng 16 na milyong pilipino. ni wala itong kinausap o kinunsidera sa isa na namang harabas na hakbang. isa na naman itong panggogoyo sa mga tao upang mapagtakpan ang maraming kapalpakan ng kanyang administrasyon tulad ng pagpapawalang-sala sa mga druglord na umamin na ngang sila ay sangkot sa droga at marami pang iba. 

   
kaparis ng istilo sa lahat na halos na ginawa nito, nagsimula ito sa diumano’y pagkakaalam ng pangulo sa mabahong white beach. siyempre pa, sabi-sabi lang ito dahil hindi naman talaga tumungo si rodrigo duterte sa boracay. nagbigay umano ito ng utos na linisin ang boracay sa loob ng anim na buwan, kung hindi ay ipasasara niya ito. sinabi rin daw ng kanyang mga tauhan na malabong malinis ang boracay sa maikling panahon dahil sangkaterba ang kailangang gawin at sandamukal ang nakaasa rito kung ipasasara ito. kamukat-mukat ng sambayanan, bigla na lang nagbigay ng utos ang presidente na ipasasara na ang boracay.

walang anumang plano o anumang papel na nagsasaad ng malawakang salaysay sa maraming bagay tulad ng saan manggagaling ang ikabubuhay ng mga naghahanapbuhay sa isla o kung paanong aayudahan ang mga negosyante at mamumuhunan, lalo na ang maliliit na negosyo. higit pang nakababahala, malaking bahagdan ng mga negosyong nasa boracay ay sumusunod sa patakarang pangkalikasan ngunit lahat sila ay damay sa biglaan at walang anu-anong pagpapasara sa isla. tandaan nating higit sa PHP 56 bilyon ang ipinapasok ng boracay sa lokal na ekonomiya kaya hindi dapat ura-uradang ipasara ang isla dahil lamang sa klamor ng mga bulag na tagasunod ni duterte na tunay na papalakpak sa palpak na namang hakbang na ito.

oo nga’t maigi ang pagpapalinis ng isla upang pangalagaan ito at patuloy na maging kaaya-aya sa ating mga pilipino at sa mga turistang taun-taon ay dumarayo rito. pero hindi maaaring walang balangkas kung paano sasawatain ang mga lumabag at nagsamantala sa isla, paano tutulungan ang mga mawawalan ng trabaho, paano isasaayos ang mga bambang, kanal at salidahan ng maruruming tubig o paano palalawakin ang drenahe ng buong isla. ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon ng malinaw na timeline para sa lahat ng aktibidades upang irehabilita ang isla.

malinaw na isa na namang itong pasabog ng administrasyong duterte upang ilihis ang interes at pokus ng publiko sa sunod-sunod na aberya at kapalpakan ng mga tauhan at mismong ni duterte. makukuha nga naman ang simpatya ng publiko dahil mabuti naman ang intensyon – ang pagsasaayos ng isla. ngunit lingid sa kaalaman ng maraming tagasunod ni duterte ang tunay na dahilan ng paglilinis kuno ng isla. ang pagpapasara rito ay upang tahimik na makapasok ang mga mamumuhanang intsik na magtatayo ng di lamang dalawa kundi ng maraming pasugalan at casino sa isla. walang balak ang mga ito na mangalaga sa kalikasan ngunit nais nilang makuha ang malaking merkado ng isla upang ang mga ito’y hikayating magsugal sa kanilang mga casino. ang tunay na intensyon ni duterte ay sarhan ang boracay upang sa dilim at katahimikan ng isla ay madaling makapagtayo ng establisyemento ang kanyang mga kasapakat. sa gayon, gawing malaking pasugalan ang isla.

siyempre, bahagi ito ng malawakang demanda ng china sa kanilang “pagtulong” kuno sa pilipinas. buksan at angkinin ang mga isla, payagan ang mga may-ari ng casino na magtayo ng pasugalan sa pilipinas nang walang gaanong pahirapan sa permit at lisensya, hayaang maghari ang mga tsinong mamumuhunan sa pilipinas, maging ang mga sangkot sa paggawa ng droga ay di dapat hulihin at ikulong sa kulungan sa pilipinas, at ariin ang lahat ng maaaring makamkam sa pilipinas. tutal nga naman, humahalik na sa kanilang palad at puwet ang tinaguriang “matapang” na pinoy ngunit bahag naman ang buntot sa mga intsik at dagling sisipsip sa mga ito.

hay naku, ilang taon pa ang ganitong istilo ng pamamalakad ni duterte – magmumura, magsisisigaw sa midya, magyayabang, lulunok ng dura ng tsina, mang-aaway at manghihiya ng kababaihan, maghihiganti sa mga bumabatikos, magsasabi ng mga pabalang at ipaliliwanag ng mga kasapakat, magkakalat ng fake news at ibibintang sa mga tagamidya, gagawa ng ura-uradang hakbang at walang anumang malawakang plano, mang-aaway ng mga pandaigdigang tagamasid at pangangalagaan ang mga kakampi, lalo na ang mga namuhunan sa kanyang kandidatura. at lahat ng ito, kahit walang anumang kongretong nagagawa sa loob ng halos dalawang taon, ay ipagbubunyi ng kanyang mga panatikong tagasunod.

nawa’y magising na ang mga ito sa katotohanan – walang anumang plano si duterte para sa pilipinas. nada.

No comments: