Sunday, September 7, 2008

kokey

kaunting drama pero ibayong kapal ng apog. 'yan ang sikreto sa sandaling may pagsubok na dulot ng krityur na galing sa lupain ng mga di gaanong biniyayaan ng ganda ng mukha. sabi nga ni vida, "hanggang kelan si kokey diyan?" wahahahahahaha!

may nalalaman pa kasing spat tsek... mga bisitang di ipinabatid na ang layon ay sindakin ang mga pinoy sa panahong di natatanuran, hulihin sa akto ng pagpapabaya o manmanan ang bawat kilos ng lahat ng indibidwal sa 1206. hay naku... akala siguro ng nakaisip ng mahusay na ideyang ito ay matitinag kami. ang bawat kilos, kahit pa lukuban ng mapagpanggap na kagalingan, 'pag imbi at walang dangal ay di magbubunga ng anumang kabutihan. para tuloy siyang naging duwendeng pambahay sa obra ni j.k. rowling... nakabukod at di komportable.

tagal nang binabalak ang mga ganitong kilusin, ngunit ngayon lang naisakatuparan dahil na rin sa kawalan ng panahon at ang patuloy na paglayas ng mga bagong pasok. lalo tuloy pumapaimbulog ang katotohanang di lubos ang pagtitiwala ng pangasiwaan sa hanay ng mga kawani ng kumpanya. biruin mong mapilitang gawin ang di naman kinakailangan! tila hindi mga propesyunal ang bawat indibidwal dito, kailangan pang sadyang magdulot ng kabiglaanan o hilakbot dahil sa tabas ng kanyang mukha. oo nga't may pagkukulang sa piling mga aspeto, ngunit ang anumang paglagapak sa pagganap sa pirmihang tungkulin ay dapat na pag-usapan at resolbahin sa tamang lugar at panahon. sapagkat marami pa ring butas ang istilo nila sa pangangasiwa, nararapat lamang na tanggapin na may pagkukulang din ang mga naturingang haligi ng operasyon sa timog silangang asya. hindi maaaring isisi sa mga mayordomo ang di pagtatagumpay ng ilang mga proyekto, lalo't higit ang mga ito'y walang kapangyarihang magdesisyon.

di ito magandang senyales, nagpapatibay lamang sa simbuyong kumawala na at maghanap ng ibang pagkakitaan. ang susunod na hakbang? spat tsek na rin maging sa mga panayam o anumang pulong na gaganapin sa labas ng tanggapan. gaano pa kaya kababa ang hibas na ibababa ng mga ulupong na gaya ng gabing kabubunot lang sa lupa?

No comments: