Friday, January 9, 2009

visa

nitong nakaraang disyembre, nagpatumpik-tumpik kami nila cathy at mark sa pag-aapply ng visa papuntang tsina. nasanay na yata kami sa ura-uradang proseso ng lahat ng bagay, hehehehe! walang sinumang nag-asikasong tingnan kung ano talaga ang mga rikisito sa pagkuha ng visa. maraming nadaanan si cathy na mga pahina sa web, na kesyo kailangan pa ng nbi clearance, sertipiko ng empleyo, at kung anu-ano pa. kaya naman ganu'n na lamang ang kaba at pag-aalinlangan ng lahat na baka di kami maaprubahan sa aplikasyon. siyempre, enero na. at sa linggo na ang lipad namin patungong shanghai.

nitong martes lang namin ipinasa lahat ng mga papeles... nagbakasakali na di na kailangan pa ng anumang dagdag na papeles, maliban sa aplikasyon, pasaporte, larawan, e-tiket at reserbasyon sa hotel. sinabi kasi ng isang empleyado sa embahada ng tsina na maaaring di maaprubahan ng visa ang anumang aplikasyon na walang nbi clearance, haaaayyyy! sa kabila nito, ipinasa pa rin namin ang aplikasyon. ang magandang balita lamang dito ay 1,400 pesos lang ang kabuuan ng aming ibinayad dahil maaari rin naming makuha ang visa sa biyernes (itong araw na ito).


at nakuha nga namin... sa awa ng diyos. ang nbi clearance ay kailangan lamang ng mga taong lilipad sa ibang bansa sa unang pagkakataon. buti na lang! ibig sabihin nito, tuloy na tuloy na ang lakad namin sa linggo. ang mga tanong dito ay:

kayanin kaya namin ang lamig sa tsina?
gaano karaming pera kaya ang magagasta sa lakad na ito?
may isyu kayang mamuo?
at higit sa lahat, anong kamalasan kaya ang naghihintay sa amin?

No comments: