tuyot, maalikabok at tigib ng paghihikahos, panghabambuhay na hilakbot at kakaunting siwang ng pag-asa -- ito ang malawakang lapit ng la teta asustada. salaysay ng buhay ni fausta, isang babaing nagdurusa sa isang di-pangkaraniwang kondisyon na tinatawag na "milk of sorrow". ayon sa katutubong paniniwala sa peru, ang kondisyong ito ay nalilipat sa isang bata mula sa gatas ng ina na nagahasa o inabuso sa gitna ng pagdadalang-tao o di kaya ay pagkatapos magluwal ng sanggol. dahil sa gatas ng pagdurusa, nabubuhay si fausta sa walang tigil na takot at pagkalito, ngunit kailangan pa rin niyang harapin ang biglaang pagpanaw ng kanyang ina at makipagsapalaran sa buhay. sa huli, pinili ni fausta na gumawa ng mga hakbang na maglalayo sa kanyang sarili sa kinahinatnan ng kanyang ina.mahusay ang sinematikong mga lapit ng pelikula. ang pag-iiping ng bangkay ng ina ni fausta at trahe de boda ng kanyang pinsan ay paglalarawan ng magkatunggaling tema ng pag-iisang dibdib at kamatayan. halata ang kahirapan sa lunan ni fausta, ngunit ibayong paggugol ng salapi at punyagi ang ginagawa sa bawat kasal, tila sadyang paglimot sa masaklap na buhay na mayroon sila sa panahong iyon. dahil sa nalalapit na kasal ng anak, binigyan ng ultimatum ng tiyuhin si fausta na iuwi na ang bangkay ng kanyang ina kundi ay ilalagak na ito sa likod-bahay. ngunit minsan pag-uwi ni fausta mula sa trabaho, naging mala-swimming pool na ang hukay na ginawa ng kanyang tiyuhin, kumpleto ng tolda, radyo at musika, pati na ang mga batang paslit.
maliwanag ang nais iparating ng buhay ni fausta. ang takot, lalo na ang sariling ipinabata, ay mapaminsala sa kaluluwa ninuman at lumulumpo sa anumang pagbabaka na mabuhay ng matiwasay. di masamang sundin ang nakagawian ng lipunan ngunit ibayong mahalaga ang pagsasanggalang ng sariling kapakanan at paghanap ng kalutasan sa kinasasadlakang dusa. makaraang tanggapin ito at harapin, payapang pamumuhay ay makakamtan. sabi nga ng isang karakter sa pelikula, ang kamatayan lamang ang malaon nang nakatakda sa buhay ng isang indibidwal... ang ibang bahagi ng buhay ay batay sa pinili ng maykatawan.
hindi ito pinalakpakan makaraan ng palabas sa pelicula. inasahan ko na ito dahil maaaring baligho ang maging dating ng pelikula sa karamihan ng manonood na pinoy. tahimik at nasa bingit ng nakababagot, ang la teta asustada ay kakatwa ngunit mahusay. isang pelikulang di agad mababalintuna ng karaniwang manonood ngunit mag-iiwan ng umuukilkil na paksa ng buhay, kamatayan at lahat sa pagitan nito.





















