Friday, October 8, 2010

teta

tuyot, maalikabok at tigib ng paghihikahos, panghabambuhay na hilakbot at kakaunting siwang ng pag-asa -- ito ang malawakang lapit ng la teta asustada. salaysay ng buhay ni fausta, isang babaing nagdurusa sa isang di-pangkaraniwang kondisyon na tinatawag na "milk of sorrow". ayon sa katutubong paniniwala sa peru, ang kondisyong ito ay nalilipat sa isang bata mula sa gatas ng ina na nagahasa o inabuso sa gitna ng pagdadalang-tao o di kaya ay pagkatapos magluwal ng sanggol. dahil sa gatas ng pagdurusa, nabubuhay si fausta sa walang tigil na takot at pagkalito, ngunit kailangan pa rin niyang harapin ang biglaang pagpanaw ng kanyang ina at makipagsapalaran sa buhay. sa huli, pinili ni fausta na gumawa ng mga hakbang na maglalayo sa kanyang sarili sa kinahinatnan ng kanyang ina.

umaawit ang ina ni fausta sa simula ng pelikula. bagamat may himig ng kantahing bayan, ang awit ng ina ni fausta ay naglalarawan ng ibayong dusa at hilakbot sa kamay ng mga rebeldeng maoista na sendero luminoso. nang mamatay ang ina, pumisan si fausta sa kanyang tiyuhin, napilitang mangamuhan kay aida, isang piyanista, upang makaipon sa pagpapalibing ng kanyang ina sa kanilang baryo. naniniwala si fausta na dahil sa pinagdaanan ng kanyang ina, nasa kanya ang "frightened teat", at dahil dito ay mayroon siyang di maipaliwanag na hilakbot sa kalalakihan. dahil sa kanyang takot na magahasa, namuo na rin sa kanyang isip ang paniniwala sa mga kakatwang gawi tulad ng paglakad sa kalye na halos nakadikit na sa mga bakod o pader ng mga bahay-bahay. naibubulalas lamang niya ang kanyang takot at ang sumandaling paglipas nito sa pag-awit, na nagbigay-daan naman upang magkaroon sila ng tahimik na relasyon ni aida. sa bawat awit ni fausta, binibigyan siya ni aida ng isang perlas. bagamat, natuloy din sa paglisan ni fausta mula sa tahanan ni aida, nagresulta naman ito sa pagkakaroon ni fausta ng panggastos sa paghahatid sa bangkay ng kanyang ina sa huling hantungan. mahaba-habang proseso, ngunit nadala niya rin ang kanyang ina sa tabing-dagat. sa akin, simbulo ito ng paglaya ni fausta sa irasyunal na takot at simula ng pagbabagong-tingin sa sarili at kabuuan ng kanyang pagkatao.

mahusay ang sinematikong mga lapit ng pelikula. ang pag-iiping ng bangkay ng ina ni fausta at trahe de boda ng kanyang pinsan ay paglalarawan ng magkatunggaling tema ng pag-iisang dibdib at kamatayan. halata ang kahirapan sa lunan ni fausta, ngunit ibayong paggugol ng salapi at punyagi ang ginagawa sa bawat kasal, tila sadyang paglimot sa masaklap na buhay na mayroon sila sa panahong iyon. dahil sa nalalapit na kasal ng anak, binigyan ng ultimatum ng tiyuhin si fausta na iuwi na ang bangkay ng kanyang ina kundi ay ilalagak na ito sa likod-bahay. ngunit minsan pag-uwi ni fausta mula sa trabaho, naging mala-swimming pool na ang hukay na ginawa ng kanyang tiyuhin, kumpleto ng tolda, radyo at musika, pati na ang mga batang paslit.

maliwanag ang nais iparating ng buhay ni fausta. ang takot, lalo na ang sariling ipinabata, ay mapaminsala sa kaluluwa ninuman at lumulumpo sa anumang pagbabaka na mabuhay ng matiwasay. di masamang sundin ang nakagawian ng lipunan ngunit ibayong mahalaga ang pagsasanggalang ng sariling kapakanan at paghanap ng kalutasan sa kinasasadlakang dusa. makaraang tanggapin ito at harapin, payapang pamumuhay ay makakamtan. sabi nga ng isang karakter sa pelikula, ang kamatayan lamang ang malaon nang nakatakda sa buhay ng isang indibidwal... ang ibang bahagi ng buhay ay batay sa pinili ng maykatawan.

hindi ito pinalakpakan makaraan ng palabas sa pelicula. inasahan ko na ito dahil maaaring baligho ang maging dating ng pelikula sa karamihan ng manonood na pinoy. tahimik at nasa bingit ng nakababagot, ang la teta asustada ay kakatwa ngunit mahusay. isang pelikulang di agad mababalintuna ng karaniwang manonood ngunit mag-iiwan ng umuukilkil na paksa ng buhay, kamatayan at lahat sa pagitan nito.

No comments: