Friday, October 29, 2010

desierto

bagamat tigib sa pighati at tila uot-utin nito ang anumang kagalakan sa buhay ng mga manonood, isang matapang na pelikula ang desierto adentro sa paglalahad ng opyong ugnayan sa pagitan ng tao at relihiyon. tinugaygay nito ang minsa'y tunggak na pagtingin ng ilang indibidwal sa sariling pananampalataya, kapatawaran sa mga kasalanan, kaligtasan ng kaluluwa, at kung paano nito inuulaol ang gawi't kilos at maging ang panghabambuhay na debosyon sa Maylikha.

mula sa punto de bista ng bunsong anak ni elias, si aureliano, inilahad ang istorya. salaysay ito ng buhay ni elias, isang ama na iniukol ang buong buhay sa pagtatayo ng isang kapilya bilang indulhensya sa isang "mabigat" na kasalanan. sa panahon ng rebolusyong mexicano, sinikil ang simbahang katolika, inabo ang mga bahay-dalanginan at ipinagbawal ang anumang uri ng pagsamba ayon sa ipinamanang relihiyon ng mga kastila. nilipol ng mga rebelde ang mga taumbayan, itinaboy ang mga tao sa kabundukan at pinagbawalan ang mga naka-abitong magsagawa ng anumang gawaing may kinalaman sa simbahan. nang maaksidente ang misis ni elias, ipinilit ng ina ni elias na hilingin niya sa kura paroko na bendisyunan ang di pa naisisilang na sanggol. paniniwala nila ng mga panahong iyon, di makapapasok sa langit ang sinumang di nabinyagan. kung kaya't sinundo ni elias ang kura, ngunit nalaman ng mga rebelde ito, dinakip ang pari at sinumang nasa paligid ng simbahan. binigti ng mga rebelde ang panganay na anak ni elias, gayundin ang pari at lahat ng nadakip. nakaligtas si elias sa kamatayan ngunit hindi sa matinding dagok na umalingawngaw sa kanyang buong pagkatao - dahil sa kanyang pagsundo sa pari, maraming namatay kasama na ang kanyang anak, maraming higit na nagdusa at sa kanyang pagsino, maaaring wala nang kapatawaran ang kanyang nagawa. dahil dito, hinakot niya ang nalalabing ari-arian at inilikas ang kanyang anim pang mga anak sa disyerto kung saan iniukol niya ang buong buhay sa pagtatayo ng kapilyang sa kanyang paniniwala ay magpapalaya sa kanya at kanyang pamilya sa paniningil ng Maykapal sa kanyang mga kasalanan. bahagi ng sakripisyo ni elias ay ang pagbabawal sa mga anak na gumawi sa bayan sa takot na madakip sila at patayin ng mga rebelde. sa pagdaan ng panahon, isa-isang nalagas mga anak ni elias at tila nagpatuloy ang walang wawang pighati sa kanyang buhay. bukod pa sa kondisyon ni aureliano na di dapat maalikabukan o maarawan kundi'y magkakasakit. naaksidente ang isang anak na lalaki sa paglalagay ng krus ng kapilya habang namatay naman sa mala-tipus na sakit ang panganay na babae. iniwan ni genaro, ang isa pang anak na lalaki ni elias at pumisan ito sa kanyang lola sa bayan. sa huling dagok kay elias, nagkaroon ng bawal na ugnayang sekswal ang magkapatid na sina micaela at aureliano. kinastigo ni elias ang magkapatid dahil dito, ipiniit si micaela at halos araw gabing pinagtrabaho si aureliano sa kapilya. sa huli, pumanaw din si micaela at naiwan si aureliano upang tumingin sa ama. dahil sa dusa, pighati at tila kawalan ng pag-asang makukuha pa niya ang buong buhay niyang inaasam na kapatawarang, nagbigti si elias. mabigat ang bawat kabanata sa buhay ni elias at ng kanyang pamilya. at kung minsa'y mapapapalatik ang sinuman sa tila walang katapusang kamalasang dumapo sa buhay nila.

maaaring di relihiyoso ang direktor ng pelikula kung kaya't walang pasubali niyang inilarawan ang magkatunggaling konsepto ng isang Maylikha, na sa paniniwala ng iba o maging ng kura sa bayan ni elias, ay maaari ring maging mapagparusa sa sinumang gumawa ng malaking kamalian at may direktang kamay sa bawat dusang naranasan ng mga tao. tila na-dementor ka pagkatapos ng pelikula ngunit ito'y isang marimatseng atake sa isang indibidwal na nabulid ng kawalan ng pag-asa na bunga ng di pagkakamit ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan. mahusay ang sinematograpiya, disenyo ng produksyon, paglalapat ng tunog at lahat ng nagsiganap, lalo na si mario zaragoza bilang elias. ang desierto adentro ay pelikulang di para sa lahat, lalo't higit sa mga taong may makitid na pagtingin sa kalayaan sa pagpili ng relihiyon. sa kabila nito, tagumpay ang pelikula sa paglalarawan ng bulag na pagsunod sa doktrina ng relihiyon.

No comments: