Saturday, October 16, 2010

sukhumvit

linggo ng gabing medyo maulan, dumating ako sa bangkok. unang palpak ay ang sobrang taas ng halagang ibinayad ko sa taxi driver. di na ako nakipagtalo dahil kailangan ko ang lahat ng lakas sa buong isang linggo ng panayam, paroo't parito sa bangkok, at siyempre ang nakagawiang dagdag na trabaho kahit nasa ibang bansa ka. pangalawang beses ko sa bangkok, ngunit ito ang ang aking unang pagkakataong mamalagi sa kanilang "makati", kaya kahit may kaunting alinlangan, naglakad-lakad ako sa sukhumvit road upang humanap ng mura-murang kainan. mula sa centre point witthayu, binagtas ko ang sukhumvit pakanan. marami-raming mga hotel ang magkakatabi sa gawing ito. may mga tindera sa bangketa, medyo maputik din at higit sa lahat, naglipana ang mga pagkaing kalye!

bagamat maaari akong magkleym ng sapat na halaga upang makakain sa "disenteng" restoran, pinili kong tikman ang mga pagkaing kalye sa sukhumvit. abentura ang mamili ng mga pagkaing ituturo mo lang sa tindera, kaunting tanong kung sobra ang anghang nito, magkano at magdedesisyon ka na kung alin ang gusto mong subukan. sobrang limitado ang ingles ng mga thai, kaya't walang anumang silid upang maging sobrang arte o mapamili. kailangan mo na lang pagkatiwalaan ang sariling paghuhusga batay sa kulay, lapot ng sarsa, mga sahog ng ulam at siyempre, presyo. bukod sa mga karitong nagtitinda ng noodles, marami-rami rin ang mga karitong nagsisilbi ng ulam at kanin. pinili ko ang karitong may ulam na at may ihaw-ihaw pa. sa halos ilang minutong pagsusuri sa mga ulam at makailang beses na tanong na "spicy?", pinili ko ang curry at ginisang gulay at mga limang stick ng inihaw na manok (maliliit ang tuhog nila) at laman ng baboy. 10 baht ang kanin, di ko na maalala ang halaga ng mga ulam, pero kulang-kulang 100 baht din yata ang nagastos ko, di pa kasama ang sopdrinks at panghimagas. solb.

masarap ang ginisang gulay, di labog ang mga sahog, tamang-tama ang timpla. akala ko ay simpleng ginisa lang ito, pero linamnam ng pinya pala ang pinakatimpla nito - swak sa aking panlasang pinoy. bagamat, di ko na nawari kung ano ang mga sahog ng curry, ok na rin naman ang lasa nito. naghahanap lang siguro ako ng kaunting tamis, gaya ng nakasanayan natin sa 'pinas. maganda rin ang pagka-sangkutsa sa barbikyu, kaya ok ang lasa nito. ang higit na nagpapalasa rito ay ang sangkatutak na mga sawsawang maaari mong hingiin nang walang patumangga. sarap! para sa panghimagas, pinili ko ang minatamis na barkilyos at isang hiwa ng bersyon nila ng biko na may tatlong hiwa ng mangga sa ibabaw. dahil sa hilig nating mga pinoy sa matatamis, normal lang ang lasa ng mga panghimagas nila. maaari sigurong kulang sa pandan, kaya di gaanong mabango ang biko nila.


bundat akong naglakad muli sa kahabaan ng sukhumvit, pabalik ng hotel. may mga tinda-tindang t-shirt, pekeng relo, tsinelas, sapatos at kung anu-ano. masayang walang naging anupamang ibang palpak ng gabing iyon bukod sa ambon. sa pagkain, mukhang matutuwa ako sa pangalawang lakbay ko sa bangkok. trabaho at trapik? ibang usapan 'yun!

No comments: