Friday, June 27, 2008

lobo

'katapos ng halos 5 oras na biyahe mula lobo, batangas pauwi ng makati, sabi ko sa sarili ko... ba't ba kasi sumama ka pa 'ko sa lakad na 'to?!! una, masyadong matagtag ang minibus na sinakyan namin, bukod pa sa sobrang pikpik na puwang na pumipigil sa anumang naising mag-inat-inat. pangalawa, masyado ring malayo ang lugar, halos biyahe na paakyat ng baguio ang ginawa namin, paikut-ikot sa bulubunduking bayan ng lobo. pangatlo, ang baybayin kung saan kami naligu-ligo ay di naman gaanong kagandahan. malalaki ang mga bato, di gasino ang buhanginan, maraming kati-kati sa tubig tulad ng salabay at kung anu-ano pa, na nag-iwan ng 4 na malalaking pantal sa kaliwang pulso ko. 'karaan ng halos 3 buwan, di pa rin naaalis ang peklat! di rin maayos ang mapanunuluyan, sabagay dahil uwian lang din naman. higit sa lahat, nag-abono ako ng higit sa halagang dapat naming ibinayad kung kada miyembro ng pamilya ang bilangan. ito'y dahil sa kapalpakang dulot ng di mahusay na pagpaplano at paniningil sa ibang taong nagsisama. ok lang sana kung ang kasama ay ang buong pamilya, ngunit hindi... mga taong di namin gaanong kakilala at karamihan ay pawang mga sabit lamang. haayyy, buhay nga naman.

pagdating ko sa macabulos, nailapag na lahat ng gamit at humupa na ang magkahalong bagot, inis, pagal, at dismaya, naisip ko ulit. "ba't nga ba sumama ako sa lakad na 'yun?"... dahil kasama sina papa, tita, liezl, izhi, ate nice at kuya utoy! makikita pa namin sila ate joy at kanyang mga supling na sila el, ia at one. 'yun naman talaga ang dahilan... pamilya. anupamang masamang hangin ang dumaan, maigi pa ring makasama ang pamilya sa mga gan'tong lakad. minsan na lamang mangyari ang mga ito dahil sa may kanya-kanya na ring buhay ang bawat miyembro at mahirap pisanin ang bawat isa sa malayuang mga biyahe. ngunit sa susunod, dapat mas maayos ang lahat!

No comments: