Tuesday, July 27, 2010

dampi

kagabi, maaga kaming umalis ni madam upang hanapin ang dampi ng palad (0922-8504435, 0933-5419187, 782-2010). ayon kay chorvs, nasa mayapis ang masahihan na ito kaya't naglakad kami mula sa buendia pagkababa ng bus. 'yun pala ay lagpas sampaloc na ito, sa kanto ng aranga at mayapis.

walang ibang kliyente ang masahihan, kaya naman naisalang agad kami ni madam para sa isang oras ng hilutan at haguran. pagpasok ko, ang kasikipan ng buong establisimiyento ang una kong napansin. walang sapat na espasyo sa pagpapalit ng damit at kapag hinawi mo ang kurtina ay lababo ang bubulaga. di naman gaanong malaking isyu ito sapagkat nasanay lang siguro ako sa ibang masahihan na higit na maluwag at maayos ang loob. ngunit di rin pala sila nagbibigay ng salawal na maaari mong suutin habang minamasahe at tanging tuwalya lamang ang nasa kama. wala ring butas ang hapag para sa mukha, kaya bahala ka na kung saan mo ipapaling ang leeg mo habang humahagod ang siko't buong kamao ng masahista. bukod dito, langitngit ng kawayang hapag ang umaalingawngaw sa tuwing gagalaw ang masahista, lalo na ng pinatihaya na ako para sa masahe sa mukha at batok. bagamat malamyos ang saliw ng musika sa dampi ng palad, malayo ito sa musikang zen na nakakarelaks sa ibang masahihan. sa dampi ng palad, instrumental o minus one ng mga ballad tulad ng 'one moment in time' ang tumutugtog! hanep! kaya naman siguro 250 lang ang halaga ng isang oras na masahe dahil sa mga ito.

maayos naman ang masahe, kumbinasyon ng shiatsu at swedish. pinagtiyagaan ng masahista ang pagtiris sa lamig sa aking likod, lalo na 'yung malapit sa aking shoulder blade. may mga kakaibang hagod lamang tulad ng sa taas ng singit at kakatwang mga pagbatak sa binti at hita. bukod sa medyo masakit na likod ko, guminhawa naman ang aking pagal na mga kalamnan. ang hagod na mahalaga sa wastong daloy ng dugo sa mga biyas ay masarap at sapat.

bagamat lalakad na lang ako pauwi sa aking tahanan 'pag nagpamasahe ako sa dampi ng palad, sa huli, babalik pa rin ako sa nakasanayan kong lotus massage sa dela costa (893-0759) o leviste (211-8145) - mas higit akong narerelaks sa pabilog na hagod sa masaheng balinese o di kaya sa combi ng lotus.

No comments: