Saturday, July 31, 2010

inception

What's the most resilient parasite? An Idea. A single idea from the human mind can build cities. An idea can transform the world and rewrite all the rules. Which is why I have to steal it. - cobb


halos dalawang linggo nang palabas ang
inception bago ko pa ito mapanood. at kung di pa umokey sina chorvs, emma at cathy at pinilit kong tapusin ang walang katapusang excel, di ko pa rin makikita ang obra maestra ni christopher nolan.

isang makabagong klasiko ang pelikulang ito - tungkol sa isang tagahalaw ng panaginip (
leonardo di caprio) na sa naising makabalik sa kanyang pamilya ay kumapit sa naiibang patalim na paglalagay ng bagong ideya sa isip ni robert fischer (cillian murphy). higit na kumplikado ang magsimula ng ideya sa nakagawian na ni cobb na paghalaw lamang ng impormasyon mula sa panaginip.

may hustong lapit ng drama ang pelikula mula sa pansariling pakikihamok ni cobb na iwaksi ang sisi mula sa kanyang sarili sa kinahinatnan ng kanyang misis. kapana-panabik ang bawat eksenang aksyon at mahusay ang pagkalapat ng koryograpiya, lalo na sa eksena ni arthur (joseph gordon-levitt) sa bumabalintunang pasilyo ng gusali dahil sa kawalan ng grabidad na bunga ng mas malalim pang panaginip. simple ang lapit sa konsepto ng panaginip, halos mala-teknikal na pagsulat ang pagpapaliwanag dito, kaya marahil di maliligaw ang manonood sa mga kaganapan. tulad ng matagal na pagkasansala sa hangin ng sasakyan nila cobb bago ito tuluyang mahulog sa dagat, mahaba ang pelikula. ngunit, ang bawat saknong nito ay mahusay na sangkap ng isang suryal at mapanlikhang talakay sa iba't ibang hagdan ng malay-tao, reyalidad man o gawa ng malikot na pag-iisip ng subkonsyo. malawak ang mga temang tinalakay ng pelikula mula sa isyung pampamilya, karera, kapitalismo, siyensya, edukasyon at oportunidad pagkatapos nito. ngunit ang lahat ng ito ay naipakita ng may katuturan sa kabuuan ng istorya. sa akin, ang pinakasentrong tema ng inception ay ang pakikibaka ng bawat tao na tanggapin ang mga di magandang pangyayari sa ating buhay - maging ito'y tuwirang resulta ng ating kamalian at kahinaan o bunga ng di maiiwasang sitwasyon. sa sandaling harapin ng bawat indibidwal ang isyung bumabagabag sa kanya, nabibigay signal ito upang palayain ang sarili sa labirintong umaalipin at sumisikil sa indibidwal na magpatuloy sa buhay. sa kaso ni cobb, nangyari ito nang kanyang bitiwan kay mal (marion cotillard) ang linyang, "Look at you. You're just a shade, a shade of my real wife. How could I capture all your beauty, your complexity, your perfection, your imperfection, in a dream? Yes, you're the best that I can do. But, I'm sorry, you're just not good enough."

magagaling ang bawat isang nagsiganap at ang aspetong teknikal ay angkop. sa huli, ang manonood ang magpapasya kung nakabalik nga ba si cobb sa reyalidad o nanatili nakasansala sa gitnang hangin. isa ito sa pinakamahuhusay na pelikulang napanood ko.

"You mustn't be afraid to dream a little bigger, darling." -
eames.

No comments: