Thursday, August 12, 2010

barya

bakit ba laging galit ang mga drayber ng pampublikong sasakyan kapag wala kang barya? di ba sila dapat ang laging may barya? lalo na't 20 pesos naman ang ibabayad sa kanila.

sa araw-araw na ginawa ng Diyos, araw-araw din ang pasada ng mga damuhong drayber ng traysikel, kaya't dapat ay may handang panukli na. tipikal sa pinoy, sila mismo ayaw din nilang magbitbit ng sangkatutak na barya ngunit kapag naman bahagi ng hanapbuhay mo, dapat ay handa na ang mga ito. hindi 'yung sisinghal pa sa mga mananakay kapag wala silang maisukli na tila ipinamumukha sa pasahero na may utang na loob sa kanila ang mga ito. may mga hirit pa na, "di mo sinabi na wala kang barya n'ung sumakay ka". aba, aalalahanin mo pa bang sabihin sa kanya na wala kang barya kung umaambon na at ang nais mo ay makarating agad sa destinasyon nang di ka mamarkahang huli sa oras ng trabaho? lalo na't isisiksik mo pa ang sarili mo sa kakarampot na espasyo ng traysikel gayong 20 pesos ang pamasahe. marami sa kanila ay di na nga nagsisipagbayad ng buwis (maliban sa 12% evat), ngunit may gana pa ring magmalaki at ipamukha sa mga pasahero na kasalanan nila ang kawalan ng barya sa umaga. kung tutuusin, dapat nga'y di nila pasayarin ang mga gulong ng traysikel nila sa kalsadang nagawa dahil sa buwis na ibinabayad ng mga kawaning katulad ko kapag di sila nag-iintrega ng anumang taripa sa gobyerno.

kung tunay kang responsableng serbisyador, alam mo dapat ang tungkulin mong magbigay ng kaukulang serbisyo sa konsyumer, bahagi nito ay ang pagbibigay ng sapat na sukli at maging ang paghanap ng mas maliliit na halaga ng salapi sa sandaling wala kang barya.

No comments: