Monday, March 3, 2014

palibhasa babae

apat na babae sa gitna ng malaking programa ng matuwid na daan – chief justice maria lourdes sereno, ombudsman conchita carpio-morales, department of justice secretary leila de lima at bureau of internal revenue commissioner kim henares. matuwid na daan siyempre ang landmark na programa ni pangulong noynoy at iniatang niya ang mabibigat na responsibilidad sa mga balikat ng apat na babaing ito. paghahabol sa mga di nagbabayad ng tamang buwis ang kay henares, habang mabilisang prosekusyon ang kay de lima. pagsukol sa mga tiwaling opisal ang kay carpio-morales habang malawakang oberhawl naman ang kay sereno.



sa pagsisimula ng women’s month, magandang iskrip nga ang itinulak ni pnoy. at ito ay kinaptyur ni cheche lazaro kagabi. akma ang tanong na higit nga bang mahirap i-corrupt ang kababaihan kung kaya’t pinili ng pangulo ang apat na babaing ito? ewan ko kung may pag-aaral na rito pero para sa akin, wala ito sa kasarian. may mga babaing sangkot din sa garapalang katiwalian. sadya lang na may konbiksyon, karampatang kapasidad at dangal ang 4 na ito kung kaya sila nandoon. may mga intriga sa kakayahan ni de lima at maging ni sereno. pero mas mahalaga sa akin ang kanilang malinis na hangaring gumawa ng mabuti. sabi ni carpio-morales at de lima, hindi man maging lubusang malinis ang gobyerno sa loob ng kanilang panunungkulan, mahalagang may magsimula at maglatag ng mga plano upang mawalis ang mga agiw ng kurapsyon.

kung tuluy-tuloy at magiging tagumpay ang paglilinis ng apat na ito, malaki ang maaaring magbago. kapag naparusahan ang mga tiwali sa gobyerno man o mga pribadong indibidwal, tataas ang tiwala ng tao sa mga institusyon. kapag mataas ang tingin sa mga institusyon, mababali nito ang mga maitim na balaking suhulan ang mga tao rito. kapag wala nang maaaring suhulan, wala nang tatakbuhan ang mga nagbabalak na magkamal sa kaban ng bayan o gumawa ng anumang di mabuti. kapag may napatikim ng tunay na bagsik ng batas, marami ang matatakot. magiging simula ito ng katapusan ng masamang kultura ng katiwalian.

higanteng programa nga ang pagbabago. mahaba pa nga ang panahong gugugulin dito. buti na lang ay may mga indibidwal na gaya ng apat na ito na handing magtanim ng mabuti at nagsimula nang patuwirin ang kani-kanilang mga ahensya. pero siyempre, ang pagbabago sa gobyerno ay di naman tungkulin ng iilan lamang. kailangan ding makisangkot ng mga mamamayan. una na rito ang pagbabayad ng tamang buwis at pagsunod sa mga patakaran. 
  
dalangin ng marami sa ngayon ay sana’y may malaking pangalang maparusahan sa lalong madaling panahon. kahit isa o dalawa lang. chit, malou, leila at kim, sige na. madaliin na natin. 

No comments: