Wednesday, August 27, 2014

crush

may konsepto dati ng one last look… isang huling sulyap sa iyong crush bago matapos ang araw o bago ka umuwi galing sa klase. dati pa ito. noong hayskul. aabangan mo ang pagkakataong makita mo siya, maski pa nga paglakad lang ng taong ito sa pasilyo. o kaya ay ang pakikipag-usap sa kanya kung kilala mo na. gagawa ka ng paraan upang magkrus ang inyong landas. di hadlang ang laki ng campus, dami ng tao o dami ng kailangang gawin, kailangan mo lang talaga makasulyap maski isang beses kada araw. at 'pag nangyari ito, buo na ang araw mo. o kaysayang balikan ng mga 'katangahang' araw na ito.

pero isa rin itong tila malaon nang nalimutan. naitago na sa baul kumbaga. siyempre nag-iba na ang prayoridad sa buhay. higit na lumawak ang iyong bakuran. nagkaroon ng mas malalim na mga responsibiidad. dala nga marahil ng pagtanda. o di kaya ay bunga ng pagiging abala sa maraming bagay. maaari rin namang produkto ng kawalan ng popotensyalin kumbaga sa iyong himpapawid kahit na nga lumawak pa ito ng milya-milya.

pero magkaminsan, katuwa pa rin 'yung may nakapukaw ng iyong atensyon. parang may nakita kang interesante sa isang taong 'yun. siyempre, hanggang doon lang naman 'yun, lalo na't alam mong walang progresibong tsansa rito.

eh teka, bakit nga ba tayo napunta sa usapin ng crush? nito kasing mga nakaraang araw, umikot na yata ang usapan at usapin sa lablayf… ang kawalan nito para sa ibang mga tao, paghahanap, agam-agam o di kaya ay mga isyung kaakibat ng pagkakaroon o pagiging liban ng significant other.
  
wala naman talaga akong pinupunto rito (di yata konek ang mga paragraph!). hahaha! naisip ko lang na iba-iba talaga ang mga tao sa pagtingin sa mga bagay-bagay, lalo na sa usaping crush at kapusuan. walang basagan ng trip kumbaga. kung ang iba ay masaya na sa one last look,  hayaan sila. kung may ibang mas agresibo dahil may hinahabol na target, huwag silang pakialaman at pangunahan. kung may ibang mas bukas sa 'modernong' pakikipagrelasyon, eh ano naman sa atin? kung 'yung iba ay tila wala nang pag-asa (sa ating perspektibo), 'wag mag-gloat o magbigay ng di naman hinihinging opinyon. 'wag nga makialam. kanya-kanyang istilo.  

No comments: