Saturday, March 21, 2009

tiny

sa wakas... pinal na ang aming lipad patungong batanes sa darating na mayo. salamat kay tiny abrugar ng zestair at nakasilo kami ng iskedyul na akma sa naisin ng bawat isa sa 'ming pito.

mahaba-haba rin ang naging proseso nito. makaraang tumalbog ang email ni mylene kay jo trinidad, ang tagapamahala ng zestair sa ugnayang pangkostumer, di ko na tinigilan ang pagtawag sa linyang ibinigay ng mga kawani sa tanggapan nila na malapit sa greenbelt. at mula roon, nakilala ko si tiny. ayon sa kanya, nauunawaan ng zestair na may pananagutan sila sa amin, di lamang dahil n'ung nakaraang setyembre pa ang aming pagpapareserba, kundi dahil abut-abot ang abalang idinulot ng dagliang pagkansela sa lahat ng lipad patungong basco. nakapagpareserba na kami ng tuluyan at higit sa lahat, naiayos na ng lahat ang mga pagliban sa kanya-kanyang mga trabaho. kaya naman, ipinilit kong maipalista kami sa seair, na walang anupamang dagdag na bayad. wala nang bakante sa orihinal na iskedyul, pero sa pagpupursige (at upang makaiwas na rin siya sa mga reklamador na tulad ko) ni tiny, naipareserba niya kami para makalulalan sa lipad sa ika-25 ng marso, balik naman ay sa ikaw-28 ng marso.


medyo ok na sana, pero dahil sa mga personal na kadahilanan, nahati sa 2 ang grupo. abala sina kr at cathy sa mga trabaho sa opisina at si jeo naman ay may ibang lakad. naiwan kami nila mylene, mabel at det para sa bagong iskedyul. pero ang mayamang si mylene pala ay nakabili na rin ng tiket sa konsiyerto ni craig david sa marso 28, at malabo na niyang maibenta ang tiket na nagkakahalaga ng 2,000. kaya ayun, wala kaming ibang magagawa kundi pasubukin muli si tiny na magpareserbang muli para sa pito, ngunit dapat ay sa buwan na ng abril. sa kamalasan namin, wala nang bakante sa anumang lipad ng seair sa buwan ng abril. ang meron na lang ay sa mayo, 9-12. ok na rin, bagamat sa likod ng aming mga isipan ay ang pag-aalala at paghahangad na sana ay di pa gaanong maulan ng mga panahon na 'yun. sa madaling sabi, naipilit na rin namin ang lahat sa lipad na ito. lahat kaming 7.


buti na lang at maayos ang pakikipag-ugnayan ni tiny. bagamat may mga pangako siyang napako tulad ng di pagtawag gayong nakapangako siyang tatawagan ako, salamat na rin at naikuha niya kami ng iskedyul. maaaring nanggogoyo rin siya sa pagsasabing wala nang bakante sa ibang lipad, pero nais ko pa ring isipin na nakikisuyo lang din siya sa seair kahit na nga ba mayroon silang ugnayan at dahil dito, di na abot pa ng kanyang kontrol kung maisisingit nga ba kaming lahat o hindi. siyempre, nais pa rin naming pumunta ng batanes nang sabay-sabay, kaya naman lahat ng pakiusapan ay ginawa. may halong pagkayamot na rin, kung kaya't nais ko na lamang na matapos na ito at mag-isip ng ibang masayang bagay.


at dahil sa may upuan na kami sa lipad ng seair pa-batanes, nakahinga na ako ng maluwag. ngunit lingid sa aking kaalaman, may naghihintay pa palang mas malaki (at pangit) na balakid sa aming lakad - si kokey! sa mayo pa ang lipad namin at kaukulang pagliban. at kahit marso pa lamang ngayon, minarapat na namin agad magpaalam, sa gayon makapagplano sa mga darating na proyekto at maiwasan ang anumang aberyang maaaring idulot ng aming liban. ngunit hindi. nag-ungkat na naman ng mga walang kapararakang bagay, sa gayon mabanat niya ang kanyang kapangyarihan. sa mga gan'tong pagkakataon, ang dapat na gawin ay siguraduhin lamang na maayos ang mga bagay-bagay, di na kailangan pang palakihin ang isyu. kung ganito lang din, di sana ay di na nagpaalam nang maayos at bigla na lang lumiban sa mga araw na 'yun nang walang pasabi. di ko pa rin mawari kung paano ang tugma ng mga ideya ni kokey. 'pag walang paalam, may masasabi. ngunit 'pag maayos ang pakikipag-usap, mas maraming isyung bubungkalin! gan'on ba talaga 'pag ang mukha mo tila kabubungkal lamang sa lupa?


ang zestair kasi. kundi nila kinansela ang lipad, walang mga ganitong isyu. ngayon, nagsisipag-upload na sana kami ng mga piktyur at tema na ng bawat tanghalian ang mga tanawin sa batanes. haaaayyy!

sana naman at wala nang iba pang aberya 'pag malapit na ang aming lipad.

No comments: