Friday, March 13, 2009

trece

kapag pumapatak ang a-trece sa biyernes, marami ang nagsasabi na ibayong kamalasan ang dala nito. sabi ng encarta sa msn, bumabalik sa huling hapunan ni hesus ang paniniwalang malas ang araw na ito dahil sa presensya ni hudas. ang numerong 12 ay itinuturing na simbulo ng pagiging ganap o buo - 12 buwan sa isang taon, 12 oras sa isang araw, 12 apostoles atbp. kung kaya't ang pagkakaroon ng 13 tao sa huling hapunan ay pinaniwalaang nagdulot ng malas.

sa araw na ito, wala namang grabeng malas ang nangyari sa akin. pinakamalas na siguro ang di pagkakaroon ng barya ni manong traysikel drayber kung kaya't kinailangan ko pang bumili ng tinapay para mabayaran siya. pagdating sa opis, tamad-tamaran ulit! siyempre, pakiramdam ko ay sabado na naman. ganyan na yata talaga ang kalakaran tuwing biyernes, na kung maaari lang ay hilahin ang oras at ang inaasam na ala-6 ay dumating na.

kahit na sabado na nga ang pakiramdam ko, malas ko pa rin dahil umaapaw ang mga pr na kailangang ayusin at i-edit. madalas kesa hindi, kailangang muling isulat ang bawat talata, sa gayon pumasa sa mapanuring mata ng aming direktor. at dahil sa biyernes na, karamihan nito ay ipinagpalunes ko na. ang hirap mag-isip 'pag ang ang tanging nasa kukote mo lang ay kung ano ang maaaring gawin mamayang gabi o may lamyerda bang maaaring puntahan.
buti na lang at may interesanteng pelikula - watchmen. at di naman ako minalas sa palabas na ito. bagamat mahaba ng di hamak sa ibang pelikulang aksyon na halaw sa komiks, nawili naman ako sa tema, talakay at kabuuan nito.

No comments: