Saturday, June 5, 2010

tong-greso

minalasado na naman ng kongreso ang kanilang tungkulin sa sambayanan sa moro-morong palabas nitong nakaraang linggo sa plenaryo. huling pulong na lamang ng ika-14 na kongreso ng bansa, kaya't marami ang nag-aabang sa kahihinatnan ng isang batas na magsisilbing unang hakbang upang unti-unting lipulin ang katiwalian sa pamahalaan. labindalawang taon nang nakabinbin ang panukalang ito, ngunit dahil na rin sa mga pansariling interes ng mga kinatawang ito, maghihintay na naman ng ilang buwan, kapag nakapuwesto na ang susunod na kongreso, bago muling mapag-usapan ito.

nakatakdang ratipikahin ng mababang kapulungan ang panukalang batas na freedom of information, na naglalayong bigyang-laya ang sinumang mamamayan na uriratin ang anumang datos o impormasyong hawak ng mga nasa pamahalaan. hindi kinakailangang magsumite ng anumang rason ng sinumang nais na humingi ng kopya ng mga pampublikong dokumento, ngunit ang sangay ng pamahalaan na tatanggi sa pakiusap ay kailangang magpaliwanag sa mamamayan. sa ganitong paraan, mabubuksan sa publiko ang lahat ng mga impormasyon ukol sa kung paano ginagastos ng bawat sangay ang kanilang badyet, anu-anong mga kontrata ang pinapasok ng pamahalaan, sinu-sinong mga kontraktor ang nakikipag-ugnayan sa pamahalaan, at maging lahat ng detalye sa kabuuan ng pamamahala ay magiging hayag sa publiko. isang malaking hakbang ito upang malantad ang kahit maliit na kabalintunaan ng mga nasa posisyon, maging lokal man o sa pambansang mga tanggapan. higit na mauunawaan ng bawat mamamayan kung saan napupunta ang buwis na kanilang ibinabayad at anu-anong mga proyekto ang inaatupag ng mga pulitiko. malilimitahan nito ang mga patagong transaksyon na may bahid ng pandarambong o panlalamang ng mga ganid na pinuno. higit sa lahat, magkakaroon ng higit na kapangyarihan ang mga mamamayan na usisain ang pamahalaan sa mga isyung may direktang epekto sa pang-araw-araw na buhay.

dala raw ng kawalan ng korum, kung kaya't nabaon ng dalawang pukpok ng malyete ni speaker prospero nograles ang batas na magbibigay din ng higit na pagkakataon sa midya at tagausig ng bayan na kumuha ng mga datos na maaari nilang gamitin sa pagbabalita o masusing pagtiktik sa galaw ng mga nasa gobyerno. iginiit ni pedro romualdo na magrolkol, at lumabas sa pagbibilang na wala ngang korum. pinilit pa nina joel villanueva at risa hontiveros - baraquel na pigilan ang pagtatapos sa pulong, ngunit nanaig ang tila malaon nang napraktis na iskrip ng mga maka-gloria sa pagpatay sa panukalang ito, lalo't hindi kailangan ng basbas ng senado upang maipasa ito. pamana na sana ito ni nograles at ng tong-greso sa sambayanan, ngunit di pa rin nangyari. magpahanggang sa huli, nananaig pa rin ang maitim na tinta at mga galamay ng pugitang si gloria.

sa loob ng tatlong linggo, mauupo na si
noynoy sa malacañang, mapaloob sana ang batas na ito sa mga unang aatupagin ng kanyang mga kaalyado sa mababang kapulungan. masyado nang matagal ang ipinaghintay ng mga mamamayan na makakita't madama ang higit na pagiging bukas sa publiko ng pamahalaan sa pilipinas. hindi na rin maaari pang magpatuloy ang nakagawian na sa gobyerno na mga pailalim na transaksyon. panahon na upang kitlin ang bulok na pamamahala at bigyang-laya ang mga tao na magtanong at maging higit na sangkot sa pagsasa-ayos ng ating lipunan.

No comments: